Sunday, May 8, 2016

DUTERTE PRESIDENCY



Bukas, May 9, Araw ng Eleksyon 2016... boboto na tayo.
Nasaksihan natin na marahil ang isa sa mga eleksyong naghati-hati sa mga Pilipino.

Salamat sa social media at teknolohiya...

mas naging taklesa at barubal ang debate ng bawat isa para lang ihayag ang saloobin pabor at laban sa bawat kandidato sa pagka-pangulo ng bansa.

Mas naging aktibo ang mga overseas worker o ang mga Pinoy sa ibang bansa.


Muling naging paborito ang mga kandidatong may karisma pero may angas-look at matabil ang dila.

Gusto na rin ng iba na iluklok ang anak ng diktador.

Naumay na ba tayo sa mga taong may pleasing personality o kaya'y sa mga mukhang matalino talaga o yung nagsasabing mahal-na-mahal niya ang demokrasya?


Nakalimot na nga raw ba tayo sa mga aral ng kasaysayan?


Kung paniniwalaan ang mga survey, si dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang mananalo.

Ang lahat ng kalaban niya, nagpahayag na ng agam-agam sa patutunguhan ng demokrasya sa bansa sa sandaling maupo si Duterte; bagaman, sa huli, hindi naman daw sila naniniwala sa mga survey.

Saan nga ba nanggagaling ang mga ikinikilos na ito ng maraming Pinoy?



Sawa na nga raw kasi tayo sa magkakasunod na buwan na naperwisyo tayo sa mababang estado ng public service... seguridad... at katiwalian sa pamahalaan.

Nakita yata ng mga Pinoy na si Digong ang kanilang bibig sa bawat sandaling nababanas sila sa aberya ng MRT/LRT, gustong murahin ang mga kurakot na government official at maparusahan ang mga kriminal. Natutuwa tayo sa bitaw ng kanyang mga salita... alam nating hindi 100% ang kabutihan ni Duterte... pero mas nasasalamin daw sa kanya ang pagiging action man.

Tila gusto na natin ang kamay na bakal... disiplina sa lahat.... pero sapat na ba ang ating nalalaman para yakapin ang anumang senaryong kakabit nitong paghahangad sa uri ng pamamahala na inaalok ng Duterte presidency? 

Handa ka na ba?

Handa ka na ba sa pagbabagong iaalok? Kaya mo na rin bang disiplinahin ang sarili mula sa pagpila hanggang sa pagtawid o pagmamaneho sa kalsada?

Nang minsang sabihin ni Duterte na magtatayo siya ng revolutionary government, maraming kandidato ang umalma. 


Ang masa ba, naiintindihan ba ang isang revolutionary government? o tatanggapin ito dahil pakiramdam nila'y binigo sila ng demokratikong pamamahala ng ating mga lider?


Nakakatakot, kung mananalo nga si Duterte, hindi rin imposible ang destabilisasyon sa kanyang gobyerno. Tangkang pagpapabagsak sa administrasyon ay hindi kataka-takang iuumang. Mababa ang tatlong taon para maisakatuparan iyan gaya ng sinapit ng Estrada administration. Ini-uugnay na rin ang pagpapa-upo sa bise presidente lalo kung siya ay kilalang kontra sa mga mithiin ni Duterte.


Maaari namang iba ang kalabasan. Posibleng totohanin ni Digong ang banta na uunahan na niya ang mga kalaban. Kung hindi niya raw kaalyado ang Kongreso at ito pa ang magiging promotor sa pagpapatalsik sa kanya, ibinababala niya ang pagsara sa kapulungan.



Isa ako sa mga undecided... hindi gaya noong eleksyon ng 2004 at 2010 na may maaga na akong desisyon sa aking balota.


Aminado akong hirap sa paninimbang dahil sa kaliwa't kanang propaganda laban sa bawat kandidato. Nakapanlulumo dahil narito na muli tayo sa puntong "lesser evil" ang ating pipiliin. Susubok muli tayo ng kakaibang kandidato.


Hindi naman ako naniniwala na "popularity contest" muli ang nangyayari ngayon sa ating eleksyon.

Walang bobotante. Napuno lang sila siguro. Napikon na sila siguro. 

Bakit nga ba sila pa ang sisisihin kung tila nabaon sa limot ang diwa ng EDSA at ang kapakinabangan mula sa demokratikong lipunan... kung ang mga namuno matapos ang Batas Militar ay wala halos naibigay na mabilis na pag-angat ng bansa, pagpigil sa korapsyon at pagpapabuti ng mga serbisyong bayan?


Bakit sila ang sisisihin kung ang batas ay walang pangil... talamak ang kawalang-disiplina sa daan... kung ang mga namumuno ay bulag-pipi-bingi sa mga reklamo ng publiko? kung ang mga namumuno ay higit na kinikilingan ang mayayaman, maimpluwensyang grupo at mga higanteng kapitalista? kung ang mga namumuno ay ningas-kugon, laging isinusulong ang band-aid solution at walang permanenteng programa?



Hindi ko alam kung malulungkot ako o matutuwa sa eleksyong parating.
Matutuwa... dahil animo'y lahat ay may pakialam para sa ikauunlad ng bansa.
Malulungkot... dahil nakikita ko ang mga nakaambang posibleng trahedya sa mga susunod na araw matapos mahalal ang bagong pangulo.

No comments: