Friday, April 22, 2016

ABALA SA PASAHERO

Pumara ang sinasakyan kong jeep.
Isang lalaki (bakla) at isang babae ang sasakay.

"Ay, teka po... Wag na po Kuya."
Hindi pa man humahakbang paakyat sa jeep ay tumanggi na ang bakla na sumakay...maging ang kanyang kasama matapos mapatitig sa loob ng jeep. Lumayo na sila sa amin.

Napalingon saglit ang driver... at nagkibit-balikat na lang. Pinatakbo na niyang muli ang sasakyan.

Maluwag ang jeep pero tila hindi nagustuhan ng bakla ang mga nakahilerang basket ng mga tindero ng suman. Yun ang aking palagay.

Tiyak, ayaw ng pasaherong iyon ang maabala sa paghakbang patungo sa kanyang uupuan.

Hindi ko masisi ang gaya niya. Naramdaman ko rin naman ang ganun...pero di tulad niya, tiniis ko na lang. Inisip ko na lang na sana ay hindi kakapit ang amoy - kung meron. Buti, suman naman iyon.

Sa kabilang banda, sana inisip ng pasaherong iyon ang laki rin ng malasakit o kunsiderasyon ng jeepney driver para pasakayin niya ang mga tindero ng suman. Baka sa susunod, hindi na siya magsakay ng mga ganung pasahero. 'Wag sana.

Higit sanang inisip ng pasaherong iyon ang hirap ng mga tindero ng suman na bumiyahe nang ganung kaaga para sa hanapbuhay nila na kurampot lang ang kita kung ituring kada araw...tapos magiging pahirapan pa sa kanila ang pagbiyahe dahil marami ang nababahuan o naaabala sa kanilang dalahin.

Paano kaya ang win-win solution para sa convenience ng lahat ng uri ng pasahero sa jeep?


No comments: