Sunday, May 8, 2016

DUTERTE PRESIDENCY



Bukas, May 9, Araw ng Eleksyon 2016... boboto na tayo.
Nasaksihan natin na marahil ang isa sa mga eleksyong naghati-hati sa mga Pilipino.

Salamat sa social media at teknolohiya...

mas naging taklesa at barubal ang debate ng bawat isa para lang ihayag ang saloobin pabor at laban sa bawat kandidato sa pagka-pangulo ng bansa.

Mas naging aktibo ang mga overseas worker o ang mga Pinoy sa ibang bansa.


Muling naging paborito ang mga kandidatong may karisma pero may angas-look at matabil ang dila.

Gusto na rin ng iba na iluklok ang anak ng diktador.

Naumay na ba tayo sa mga taong may pleasing personality o kaya'y sa mga mukhang matalino talaga o yung nagsasabing mahal-na-mahal niya ang demokrasya?


Nakalimot na nga raw ba tayo sa mga aral ng kasaysayan?


Kung paniniwalaan ang mga survey, si dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang mananalo.

Ang lahat ng kalaban niya, nagpahayag na ng agam-agam sa patutunguhan ng demokrasya sa bansa sa sandaling maupo si Duterte; bagaman, sa huli, hindi naman daw sila naniniwala sa mga survey.

Saan nga ba nanggagaling ang mga ikinikilos na ito ng maraming Pinoy?



Sawa na nga raw kasi tayo sa magkakasunod na buwan na naperwisyo tayo sa mababang estado ng public service... seguridad... at katiwalian sa pamahalaan.

Nakita yata ng mga Pinoy na si Digong ang kanilang bibig sa bawat sandaling nababanas sila sa aberya ng MRT/LRT, gustong murahin ang mga kurakot na government official at maparusahan ang mga kriminal. Natutuwa tayo sa bitaw ng kanyang mga salita... alam nating hindi 100% ang kabutihan ni Duterte... pero mas nasasalamin daw sa kanya ang pagiging action man.

Tila gusto na natin ang kamay na bakal... disiplina sa lahat.... pero sapat na ba ang ating nalalaman para yakapin ang anumang senaryong kakabit nitong paghahangad sa uri ng pamamahala na inaalok ng Duterte presidency? 

Handa ka na ba?

Handa ka na ba sa pagbabagong iaalok? Kaya mo na rin bang disiplinahin ang sarili mula sa pagpila hanggang sa pagtawid o pagmamaneho sa kalsada?

Nang minsang sabihin ni Duterte na magtatayo siya ng revolutionary government, maraming kandidato ang umalma. 


Ang masa ba, naiintindihan ba ang isang revolutionary government? o tatanggapin ito dahil pakiramdam nila'y binigo sila ng demokratikong pamamahala ng ating mga lider?


Nakakatakot, kung mananalo nga si Duterte, hindi rin imposible ang destabilisasyon sa kanyang gobyerno. Tangkang pagpapabagsak sa administrasyon ay hindi kataka-takang iuumang. Mababa ang tatlong taon para maisakatuparan iyan gaya ng sinapit ng Estrada administration. Ini-uugnay na rin ang pagpapa-upo sa bise presidente lalo kung siya ay kilalang kontra sa mga mithiin ni Duterte.


Maaari namang iba ang kalabasan. Posibleng totohanin ni Digong ang banta na uunahan na niya ang mga kalaban. Kung hindi niya raw kaalyado ang Kongreso at ito pa ang magiging promotor sa pagpapatalsik sa kanya, ibinababala niya ang pagsara sa kapulungan.



Isa ako sa mga undecided... hindi gaya noong eleksyon ng 2004 at 2010 na may maaga na akong desisyon sa aking balota.


Aminado akong hirap sa paninimbang dahil sa kaliwa't kanang propaganda laban sa bawat kandidato. Nakapanlulumo dahil narito na muli tayo sa puntong "lesser evil" ang ating pipiliin. Susubok muli tayo ng kakaibang kandidato.


Hindi naman ako naniniwala na "popularity contest" muli ang nangyayari ngayon sa ating eleksyon.

Walang bobotante. Napuno lang sila siguro. Napikon na sila siguro. 

Bakit nga ba sila pa ang sisisihin kung tila nabaon sa limot ang diwa ng EDSA at ang kapakinabangan mula sa demokratikong lipunan... kung ang mga namuno matapos ang Batas Militar ay wala halos naibigay na mabilis na pag-angat ng bansa, pagpigil sa korapsyon at pagpapabuti ng mga serbisyong bayan?


Bakit sila ang sisisihin kung ang batas ay walang pangil... talamak ang kawalang-disiplina sa daan... kung ang mga namumuno ay bulag-pipi-bingi sa mga reklamo ng publiko? kung ang mga namumuno ay higit na kinikilingan ang mayayaman, maimpluwensyang grupo at mga higanteng kapitalista? kung ang mga namumuno ay ningas-kugon, laging isinusulong ang band-aid solution at walang permanenteng programa?



Hindi ko alam kung malulungkot ako o matutuwa sa eleksyong parating.
Matutuwa... dahil animo'y lahat ay may pakialam para sa ikauunlad ng bansa.
Malulungkot... dahil nakikita ko ang mga nakaambang posibleng trahedya sa mga susunod na araw matapos mahalal ang bagong pangulo.

Friday, April 22, 2016

ABALA SA PASAHERO

Pumara ang sinasakyan kong jeep.
Isang lalaki (bakla) at isang babae ang sasakay.

"Ay, teka po... Wag na po Kuya."
Hindi pa man humahakbang paakyat sa jeep ay tumanggi na ang bakla na sumakay...maging ang kanyang kasama matapos mapatitig sa loob ng jeep. Lumayo na sila sa amin.

Napalingon saglit ang driver... at nagkibit-balikat na lang. Pinatakbo na niyang muli ang sasakyan.

Maluwag ang jeep pero tila hindi nagustuhan ng bakla ang mga nakahilerang basket ng mga tindero ng suman. Yun ang aking palagay.

Tiyak, ayaw ng pasaherong iyon ang maabala sa paghakbang patungo sa kanyang uupuan.

Hindi ko masisi ang gaya niya. Naramdaman ko rin naman ang ganun...pero di tulad niya, tiniis ko na lang. Inisip ko na lang na sana ay hindi kakapit ang amoy - kung meron. Buti, suman naman iyon.

Sa kabilang banda, sana inisip ng pasaherong iyon ang laki rin ng malasakit o kunsiderasyon ng jeepney driver para pasakayin niya ang mga tindero ng suman. Baka sa susunod, hindi na siya magsakay ng mga ganung pasahero. 'Wag sana.

Higit sanang inisip ng pasaherong iyon ang hirap ng mga tindero ng suman na bumiyahe nang ganung kaaga para sa hanapbuhay nila na kurampot lang ang kita kung ituring kada araw...tapos magiging pahirapan pa sa kanila ang pagbiyahe dahil marami ang nababahuan o naaabala sa kanilang dalahin.

Paano kaya ang win-win solution para sa convenience ng lahat ng uri ng pasahero sa jeep?


Sunday, March 20, 2016

'WAG MO NANG ITANONG KUNG BAKIT

Mabagal ang usad ng traffic sa Marcos Highway sa bahaging Cainta, Rizal, maggagabi ng Linggo ng Palaspas.

Panay tipa ko rin sa aking cellphone para sa palitan ng text sa aking boss at ilang katrabaho. Tsk, wala na namang piniling araw ang disgrasya.

Sa gitna ng sariling agam-agam, napalingon ako sa labas ng aming sinasakyan... naghahanap marahil ng pang-relax sa paningin. O gruma-grabe ang traffic.

Ilang sandali, natanaw ang pakiwari ko ay isang mag-ama... na mangangalakal ng basura. Huminto ang tatay sa gitna ng tulay ng creek. Inilapag ang mga bitbit na karton sa "railing" ng tulay. Tumigil din sa paglalakad ang binatilyong anak.

Magpapahinga sila.

Si tatay, pagkababa niya ng mga naipong basura ay sinimulan nito ang "relax mode" at tinanaw ang malayong bahagi ng creek. Nagsimula siyang magsalita at tila nagkukuwento na sa anak... may mga ngiti iyon.

Ang binatilyo, masaya ring nakinig. Parehas silang mag-ama na inaabot ngayon ng kanilang tanaw ang maaliwalas na creek. Hindi ko lang tiyak kung kumusta ang amoy sa paligid.

Iniisip ko tuloy kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Tsismoso hahaha

Pero seryoso, kinukonsulta kaya ni Manong ang kanyang anak kung gusto ba nitong tumira sa tabi ng creek?

O baka naman, may bahay naman sila... siguro, naging masinsinan lang ang usapan tungkol sa kanilang buhay at mga pangarap.

Wala akong nakitang lungkot sa kanila.

Ano kaya ang pangarap ni tatay? Marahil ikinukwento niya ang kanyang panahon ng kabataan.

Ang binatilyo kaya... ano ang mga gusto niyang ibigay sa ama kung sakaling umasenso sila sa mga susunod na taon?

Pero tatanungin niya rin ba kaya kung bakit may mayaman at mahirap... at bakit naroon sila sa ganung sitwasyon.

Umusad na ang aming sasakyan.

Nalayo na ang aking paningin sa kanila.

Oo, hindi tiyak ang happy ending.
Sana mahanap nila ang sagot balang araw.

Sa ngayon, parang sasapat na... na kasama pa rin nila ang isa't isa na nangangarap.