Saturday, August 29, 2015

ALDUB: DIBERSYON SA FANDOM


"Phenomenal hit" kung ituring ang pagsikat ng loveteam na AlDub o tambalang Alden Richards at Yaya Dub o Maine Mendoza sa totoong buhay na kilala rin bilang Dubsmash Queen ng Pilipinas.

Nagsimula ang loveteam "accidentally" mula sa Juan For All, All For Juan segment ng noontime show na Eat Bulaga!

Gaano kasikat ang AlDub?
Samu't sari ang mga fans club ng loveteam, nakuha nila ang iba't ibang audience market, ilang beses napapatigil sa gawain ang maraming Pinoy akala mo may laban si Manny Pacquiao, laging trending sa social media, napapalugmok na raw nang husto sa ratings ang kalabang TV show at nagkaroon pa ng malaking espasyo sa frontpage ng isang broadsheet.

Isang araw, may mga negatibo nang natatanggap lalo sa gabi-gabi umanong pagbo-broadcast sa ilang news program ng anumang istoryang may kaugnayan sa AlDub. Gasinong parang national issue na raw ang kasikatan ng loveteam. Mas marami pang mahahalagang balita ang dapat naibabahagi.

May katwiran.





Pero paano ba nila nasukat ang pagka-OA sa pag-pick up ng mga AlDub story kung ikukumpara sa naging trato noon sa kasikatan ni Thalia para sa Marimar at F4 sa Meteor Garden?



Insensitive ring matuturing na parang pinalalabas na wala nang pinupulot ang mga tao kundi ang balita sa AlDub. Sana ay naikunsidera na pansamantalang dibersyon lang naman ang "pagkahumaling" sa AlDub ng maraming manonood. Alam naman nila iyon. Alam nating lahat na ito ay hindi permanenteng uso... walang forever sa totoong buhay.

Huwag nating maliitin ang mga Pinoy - kahit pa isa siyang mangangalakal ng basura- sa ilang oras niyang pagtatrabaho ay ilang minuto lang naman ang makapanood siya ng isang palabas para sa kanyang kasiyahan. Kung manonood man siya ng balita, gasino naman ang mas hamak na maliit na minutong nailaan pa rin sa AlDub kumpara sa iba pang maraming balita.

Umalma tayo kapag naging una sa headlines ng TV news program ang AlDub episode; sa halip na national issue. Hindi ba't isinahi-himpapawid pa rin naman ang AlDub sa inilaang mga minuto para sa showbiz segment?


Cool lang. Kilig lang.

No comments: