Nagtipon-tipon ang maraming miyembro ng Iglesia ni Cristo sa harapan ng gusali ng Department of Justice sa Maynila. Vigil ang tawag nila doon. Nagpatuloy ito nitong Biyernes. Kinahapunan, lumipat sila sa EDSA Shrine saka naman nagtungo sa EDSA Shaw Crossing. Libu-libo na ang mga naroong INC member hanggang sa mga sandaling isinusulat ko ang artikulong ito.
Nag-trend ang Iglesia Ni Cristo dahil sa malaking dismaya ng publiko na naperwisyo umano sa matinding trapikong idinulot ng pagtitipon ng mga miyembro nito sa EDSA Shrine. Sa mga nakalipas na buwan o taon, ang pagkilos sa EDSA Shrine ay kontrolado ng mga kinauukulan at may sapat na abiso lalo sa mga motorista. Hindi ko alam kung ganito pa rin ang nangyari sa pagtitipon ng INC.
Hindi ko gaanong pagtutuunan ang isyu ng trapiko kundi ang biglaang dagsa sa kalsada ng mga taga-INC.
Nag-uugat ang lahat sa noo'y lumabas na Youtube video ni Ka Angel Manalo, kapatid ng kasalukuyang punong ministro ng nasabing religious group na si Ka Eduardo Manalo. Sa nasabing video, humihingi si Ka Angel ng tulong sa iba pang INC members, may banta raw sa buhay nilang mag-ina na si Ka Tenny. May mga dinukot din umanong ministro, ayon sa isang voice recording na nagpakilalang si Ka Tenny.
Agad nagtungo ang ilang nakikisimpatiya sa mag-inang Ka Tenny at Ka Angel sa tirahan ng mga Manalo para sana'y makasaklolo. Pumukaw ito sa atensyon ng publiko-- sa dami ba naman nilang nagpunta roon-- at nakaagaw na rin ito ng atensyon sa mga otoridad. Syempre, peace and order ay dapat mapanatili.
Sa huli, ang bintang na kidnapping ay pinasinungalingan mismo ni Ka Angel at iba pang naglutangang ministro na nabanggit noong una na dinukot. Si Ka Angel, idinagdag na lamang na ang tunay niya raw isyung nais ipaklaro sa pamunuan ng INC ay ang katiwalian sa kanilang grupo.
Sa kabila niyan, may ilang miyembro ang patuloy na nagpapaunlak ng panayam sa media para patotohanan ang katiwalian, kidnapping sa ilang ministro at "pagpapatahimik" pa raw umano sa mga ito tungkol sa isyu.
Noong Miyerkules, nagsampa ng reklamong "illegal detention," "coercion," at "harassment" sa DOJ ang itiniwalag na INC minister na si Isaias Samson Jr. laban sa walong miyembro ng INC Sanggunian. Ikakasa anumang araw ang preliminary investigation. Noong una pa mang pumutok ang isyu nina Ka Angel at Ka Tenny ay paulit-ulit na pinabubulaanan ng INC ang mga alegasyon.
Nitong Huwebes, nagsimula na ang panawagan ng mga miyembro ng INC na maging patas daw dapat si Justice Sec. Leila De Lima sa kanilang grupo. Kung nasubaybayan ninyo ang kilos-protesta ng INC sa DOJ, partikular na makikita sa mga placard ang paggiit ng huwag daw biased si De Lima... ang "Separation of State and Church"... huwag daw sumawsaw ang kalihim dahil may iba pang national issue na dapat daw mas pinagtutuunan ang ahensya.
Una nang inihayag ng Justice secretary na ginagampanan lang niya raw ang kanyang trabaho nang tanggapin ang reklamong inihain ni Samson. Ilang beses ding dinepensahan ng Malakanyang ang kalihim.
Umiiral pa rin ang "freedom of expression" sa bansang ito. Karapatan ito ng bawat Pinoy. Naibigay rin ito- walang duda- sa mga taga-INC na unang dumagsa sa Maynila.
Isang taga-INC ang personal pang lumapit sa akin para marahil ay kumpirmahin ang naging FB post ko. Sinabi ko kasing dapat sa bahay ng nagkaso laban sa INC nag-rally ang mga nasa DOJ. Nang makumpirma niya, umalis siya at saka nag-comment sa status ko hehe. Ok lang iyon.
Medyo lihis lang ang ipinunto niya... kesyo hindi naman daw nila pinakikialaman ang rally ng ibang grupo lalo ng mga Katoliko.
Sagot ko- wala akong matandaang rally ng nagpakilalang Catholic group laban sa isang ahensya o opisyal ng gobyerno para sa isang kaso. Maski nga ang mga rally tungkol sa national interest ay wala akong matandaang rally lang iyon ng mga Katoliko. Hindi iyon evident maging sa mga placard gaya ng nakikita ngayon sa INC protest.
Naalala nyo rin ba na naging national issue ang kinasangkutang eskandalo ng ilang obispo dahil sa umano'y magagarang sasakyan nila? Hindi naman nag-rally ang mga Katolikong naniniwala sa pang-aabuso raw na iyon dahil ipinauubaya na rin iyon kahit paano sa mga kinauukulan.
Ilang pastor na rin ba ng ilang sekta ang nilitis at ikinulong dahil sa reklamong kriminal mula sa kanilang kasamahan sa pananampalataya?
Iniisip ko tuloy, kapag nakapatay ba ang isang taga-INC ng kapatid niya sa pananampalataya... pipigilan din ba (o at least, ang tawag ay hihikayatin) ng kanilang mga lider ang nagrereklamo na patawarin na lang ang suspek, magpa-areglo at tuluyang i-atras ang kaso kasabay ay pagpapakasundo sa kanilang dalawa sa harap ng mga opisyal ng INC... alinsunod sa konsepto nila ng "separation of church and state"?!?
Mmm, kaya pala, peace-loving person sila sa unang tingin. Ayaw raw ng rally at mga kaso-kaso.
Tanggapin natin ang katotohanan. May mga insidente ng domestic violence at ilang krimen gaya ng "illegal detention" na kapag nangyari man sa loob ng isang nayon o exclusive subdivision man ay hindi na pam-barangay hall o homeowners association... sasaklawin na ito ng estado.
Huwag din namang ihalintulad ang rally nyo sa Pista ng Nazareno. Pista iyon. Religious activity iyon. Ilang linggo rin iyon na pinaghandaan at nag-aabiso sa publiko habang nagbibigay rin ng mga alternatibong ruta.
Sumagot ulit ang taong nag-comment sa FB status ko pero may halong ALL CAPS na... so, mukhang nasaling ko siya nang husto at napikon. Hindi na ako sumagot kasi matagal na rin kaming magkakilala. It is just disappointing. Eh ako, I love healthy discussions at maski debate.. wala lang pikunan.
Anyway, sa bagong comment niya, may malalim daw na motibo kung bakit nagra-rally sila laban sa DOJ. Paano ko rin daw ipaliliwanag ang ibang nakalipas na rally laban sa ahensya patungkol sa Mamasapano at DAP?
Gusto ko sanang sagutin pero sabi ko nga kanina, dahil kakilala ko siya at na-sense kong pikon na siya.
Ang nais ko sanang sabihin ay huwag niyang itulad doon... kung may nag-rally man sa harap ng DOJ, Senate, House of the Representative at sa Supreme Court-- iyon ay dahil direktang sangkot ang mga ahensya sa usapin na ito-ito rin ang makasasagot at makapaglilinaw ng isyu.
Ang kasong kinakaharap ng Iglesia ni Cristo ay ISINAMPA ng dati nitong miyembro. Tinanggap ng DOJ ang kaso. Ano ang hindi patas doon?
Ang patas ba ay dapat umanong inaral muna ng DOJ bago ito tinanggap, ganun ba iyon? Dapat bang ibinasura na lang agad ng ahensya ang reklamo? Anong basehan?
Kung iniisip ng INC na kesyo itinanggi na ni Ka Angel at ilan pang ministro ang mga alegasyon sa pamamagitan ng media interviews... hindi po yata yun sasapat kasi may naghain ng pormal na reklamo. Gaya rin iyan ng kapitbahay mong pinaba-barangay tapos kita kits na lang kayo sa barangay hall.... ikaw ba, sino karaniwan ang makikita mong lulusob saan kanino? Hindi ba't sa taong nagrereklamo at hindi sa barangay official?! Hindi naman ang barangay official at ang inirereklamo ang magsasabunutan di ba?
Separation of Church and State. Yes, ginagarantiya iyan sa atin ng Konstitusyon.
Hindi ko maintindihan kung bakit isinasangkalan ito sa rally ngayon ng INC dahil sa kaso.
Hindi naman ang gobyerno ang nagkaso laban sa religious group.
Huwag daw pakialamanan ng estado ang INTERNAL ISSUE ng INC. Sabihin nyo iyan kay Samson. Siya ang sindakin nyo at i-harass.
Sinabi rin ng kakilala kong taga-INC na napikon nga sa post ko.... may malalim daw na motibo kung bakit nangyayari ang rally. Ayaw na niya raw sabihin kung ano iyon.
Ipagpalagay nating si De Lima ay nai-impluwensyahan ng isang dating miyembro ng INC na kontra sa sanggunian.... eh, tinanggap pa lang naman ng DOJ ang reklamo. Ni hindi pa umaandar. Kung marami pala kayong alam sa conspiracy, eh di i-name drop nyo kung sino ang nang-iimpluwensya kay De Lima. Mukhang ayaw naman nilang gawin kasi kapag nangyari iyon ay lalong sisidhi ang pagsalungat sa loob ng INC at puwedeng may sumunod pang mga reklamo.
Sabi ng napikon kong kakilala na isang taga-INC, naka-ALL CAPS pa yun... palibhasa raw kasi, ang grupo nila ang nagra-rally kaya napapansin; eh bihira naman daw silang mag-rally.
Napapansin ang rally nyo dahil sa dami nyo, nakakaabala ... para lang sabihing INTERNAL ISSUE pero pinalalabas nyong national concern dahil natatapakan ang "freedom of religion."
Napapansin ang rally nyo kasi "irrational." Hindi naman kasi 100% galit ang mga Pinoy sa gobyerno. May soft spot pa rin sila sa amin kaya naman ipinararating namin sa INC na mali ang ginagawa nyong harassment sa ahensya ng gobyerno na ginagawa lang nito ang trabahong kalkalin ang katotohanan sa mga reklamong isinampa laban sa grupo.
Kung internal issue pala ito, tugusin nyo si Samson. I-harass nyo na i-urong ang kaso. Simple di ba?
Internal issue kamo... binulabog nyo pati EDSA para lang sa sakit ng ulo nyo kay Samson?!
Nag-rally nga kayo sa EDSA Shrine na walang permit at walang sapat na panahon para sa abiso.... nabigyan nga kayo ng permit para sa ilang araw na protesta sa harapan ng DOJ na hindi nagagawa ng Manila LGU sa mga militanteng grupo.
Mabigyan man nga ng permit ang mga militante ay wala pang pang-isang araw at may naka-standby nang water cannon at naka-all gear ang mga anti riot police pa. Bukod pa sa permit na ibinigay ora mismo ng Mandaluyong LGU kahit holiday mode ang maraming tanggapan ng gobyerno. Espesyal na trato na iyon para sa INC. Tingin nyo pa, nasisikil kayo?!
Internal issue ba kamo.... opsyon nyo rin naman ang Philippine Arena para doon mag-rally at i-loud speaker ang pagkondena kay Samson.
Sabi ko nga, doon kayo mag-rally sa bahay ng breakaway nyong ministro.
Naalala nyo pa ba ang mga militanteng estudyante ng PUP na nagtapon at nagsunog noon ng mga sirang silya bilang pagkondena sa kakulangan ng education budget? O di ba, ikinagalit din iyon ng maraming Pinoy at partida- iyon ay kahit nangyari sa loob ng PUP campus sa Maynila. Bakit kamo maraming nakialam at nabuwisit?! Iyon ay sa dahilang national interest ang education budget... pangalawa, pera ng taxpayers ang ipinondo sa mga silyang kahit sira ay basta basta na lang sinunog ng mga nag-rally. The end doesn't justify the means.
Eh sa kaso ng INC, hindi na nga national interest... sinusuwag pa ang gobyerno... gusto yata ng special treatment at arborin ang kaso... kaya hayun, naghakot para sa rally hanggang EDSA! Jusme, heavy traffic!!!
Gusto nyo yata kasi ng whitewash sa reklamo para hindi tuluyang malagay sa kasaysayan na minsan nagkabahid na rin ng isyu ng katiwalian at krimen ang inyong grupo. Wala sa DOJ ang burden para patunayang hindi guilty ang INC.
Yes, INTERNAL ISSUE nyo iyan. Gaya ng marami at maski ng DOJ at ng gobyerno, wala kaming paki diyan... pero wag nyong abalahin ang sangkatauhan dahil gusto nyo lang igiit na hindi totoo ang mga bintang sa inyo ng kapwa nyo kapatid sa pananampalataya.
Hindi rin namin ginusto na maging NATIONAL NEWS na kayo... dahil sa panlilihis na ginagawa nyo. Ang reklamong illegal detention, coercion at harassment ay paglabag sa karapatang-pantao na isa ring interes ng estado na mapangalagaan sa bawat Pinoy- walang pinipiling relihiyon.
Dapat nga, may isang opisyal na gobyerno- sana nga kung si De Lima na rin-- ang tuwirang magsalita sa INC na huwag itong umasta na political group para diktahan kung ano dapat ang itatakbo ng proseso ng batas kaugnay ng kinasasangkutang kaso nila.
No one is above the law.
Tandaan nyo, kahit paano ay ang estado ang nilapitan nyo para kayo'y kilalaning relihiyon at makapagpalaganap. So, hindi limitless ang pribelihiyo nyo sa ilalim ng batas ng estado. Wala dapat "untouchables." Bawal mang-arbor ng kaso.
Hindi ito paninira sa ibang relihiyon kundi pagbuwelta sa anumang hakbang ng mga maiimpluwensiyang indibiduwal o grupo sa anumang sangay ng gobyerno at maski naman sa pribadong sektor. Sapagkat ang intimidation, harassment at padrino system sa loob at labas ng estado ay kapatid din ng katiwalian.
P.S.
Hindi kami KSP para humingi lang ng kasikatan kapalit ng pagbibigay namin ng opinyon. Eh di sana, matagal na akong nagta-try ng aking swerte sa Starstruck.
No comments:
Post a Comment