Friday, November 15, 2013

YOLANDA LEARNINGS



  Nakapanlulumo ang mga tanawing iniwan sa Visayas ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan- international name) sa loob ng halos dalawang araw (Nov. 8-9, 2013). 
   Isang linggo makalipas ang pananalasa, saka lamang napapabalita ang bumubuting distribusyon o pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo. 
  Bago nito, nagsanga-sanga na ang mga problema at isyu na ipinupukol sa national government. Sa kabila niyan, may nauungkat ding mga leksyon na dapat daw ay matutunan ng bawat isa.
 
Typhoon Haiyan --source: Astronaut Karen L. Nyberg

    Ang Joint Typhoon Warning Center ng U.S.A., nakapagtaya ng 313 kilometers per hour (kph) na lakas ng hanging taglay ng Bagyong Haiyan at bugso na aabot sa 378 kph, tatlong oras bago ito tumama sa lupa (landfall) noong Nov. 8. Ginamit ito ng ilang dalubhasa gaya ni Dr. Jeff Masters ng Weather Underground.com na nakabase sa U.S. para ituring ang nasabing bagyo na isa sa mga pinakamalakas na recorded tropical cyclones sa buong mundo.


TOP 4 TROPICAL CYCLONES ON RECORD IN WORLD HISTORY IN TERMS OF WINDS STRENGTH

1) Super Typhoon Nancy (1961), 346 kph, landfall in Japan
2) Super Typhoon Violet (1961), 329 kph, landfall in Japan
3) Super Typhoon Ida (1958), 321 kph, landfall in Japan
4) Super Typhoon Haiyan/Yolanda (2013), 313 kph, landfall in the Philippines
     Super Typhoon Kit (1966), did not make landfall
     Super Typhoon Sally/Aring (1964), landfall in the Philippines
                                 

Source: Jeff Masters/Weather Underground 


  Nang ikumpara at muling i-compute ang mga datos tungkol sa mga dating bagyo sa iba't ibang panig ng mundo, mas lumapit ang posibilidad na ang Bagyong Haiyan ang matatawag na raw namang world's strongest cyclone na nag-landfall; kabilang sa top 5 ang Typhoon Juan (Megi- international name) na nanalasa rin sa Pilipinas noong 2010.

  Hindi pa raw ito opisyal na report, ang disclaimer ni Masters, habang sinusulat ko ang artikulong ito. Patuloy ang diskusyunan ng mga meteorologist tungkol sa naging behavior ng Bagyong Haiyan.


   Ang PAGASA, may rekord lamang na hanggang 215 kph na maximum winds at 250 kph na bugso ng Bagyong Yolanda bago ito unang tumama sa lupa. Muli, habang sinusulat ang artikulong ito, wala pang opisyal at pinal na datos ang weather agency ng Pilipinas ukol sa super bagyo dahil sa mga nasira ring pasilidad nito sa Eastern Visayas.

  Sa kabila niyan, sa iba pang rekord ng PAGASA... ang Typhoon Uring (Thelma- international name) ang pinakamabagsik na bagyo sa ating bansa kung pag-uusapan ay ang dami ng nasawi. Naitala ang 5,101 na mga namatay nating kababayan sa Eastern Visayas (kaparehong lugar na humagupit ang Yolanda) noong panahong iyon ng 1991.

  Maituturing na ikalawa na rito ang Bagyong Yolanda kung ikukunsidera na ang death toll nito na mahigit 3,000, base sa 3pm, Nov. 15 report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
 
Data prepared/illustrated by toplatsi


BAYO NI YOLANDA
  Naikuwento ng ilang survivors ng Bagyong Yolanda mula sa lugar na isinailalim sa Public Storm Warning Signal number 4 ng PAGASA ang anila'y masakit sa tenga na dagundong ng hangin. Sa isang television report, ipinaliwanag ito ni GMA Network resident meteorologist Nathaniel "Mang Tani" Cruz na bunga umano ng napakababang pressure sa bahagi ng super typhoon na humahagupit sa lugar na iyon. May kahalintulad na ganitong nararanasan ang mga nakasakay sa eroplano lalo't pa-landing ito.

  Hindi rin makapaniwala ang marami sa lawak ng pinsala ng bagyo. 
  Sa panahong ito ng mga high-end cellphone, tablet, camera, computers at iba pa... nasaksihan ng lahat kung paano ang mga kongkretong istruktura ay tila papel na nilamukos o pinunit ng mapaminsalang hangin at ulang nasa ilalim ng signal number 4.

  Taong 1991 nang unang ginamit ng PAGASA ang panukat na signal number 4 noong humagupit ang Typhoon Trining (Ruth).


 
STORM SURGE
  Naitaya ng Project NOAH (DOST) ang 5.3 meters (17 feet o halos kasing taas ng dalawang palapag na gusali) na highest predicted storm tide (storm surge + tide) sa Matarinao Bay sa Eastern Samar dakong 9:50am, Nov. 8, kasagsagan ng pananalasa ng Yolanda.

  Magkakahiwalay na storm surge ang naiulat na nanalanta sa iba't ibang bahagi ng Visayas dulot ng bagyo. Ang mga ito ang itinuturong pangunahing kumitil sa maraming buhay ng ating mga kababayan. Sinasabing hindi raw inakala ng lahat na ganito kalubha ang mga insidente ng storm surge.

  Iginiit ng DOST, Project Noah at PAGASA na naibigay ng mga ito ang mga kaukulang babala. Nasa kamay na ng local government units ang pagpapakalat at pagpapaunawa ng impormasyon sa mga residenteng nasasakupan.

  Kung gaano kaseryoso ang banta ng storm surge ay nakadepende umano sa iba't ibang aspeto, ayon sa mga eksperto... gaya ng katangian ng dalampasigan, ang tide ng dagat at lakas ng hangin at radius ng daraang bagyo.


  Ang storm surge ay namumuo dahil sa bagyo... itinutulak ang tubig-dagat sa dalampasigan. Salungat sa tsunami na karaniwa'y nalilikha ng lindol o pagsabog ng bulkan sa ilalim ng karagatan.
  Iisa ang pagkahalintulad ng mga ito, base sa paliwanag ni Mang Tani, parehong mapaminsala ang storm surge at tsunami at kayang ilubog sa tubig ang coastal area.


Screengrab: State of the Nation with Jessica Soho, GMA News online


  Kung pagbabasehan ang ilang media reports, "napaghandaan" naman daw talaga ng mga taga-Tacloban ang storm surge pero hindi raw nila inasahan ang laki at lawak ng raragasang tubig.

  Iba rin umano ang deskripsyon ng ilan sa storm surge, gaya ko, ang pagkakaintindi ko-- malalakas na hampas lang ito ng mga alon na kayang gumiba ng bahay na nasa tabing-dagat.

  Nagkamali ako.


LEKSYON NG BAGYO

  Ang nakikita sa ngayon...
  Tila kailangan natin ng mas detalyado o specific warning -- yung mas madaling mauunawaang babala at pagtuturo ukol sa lagay ng panahon at banta ng kalamidad.


   
Screengrab: 24 Oras, GMA News online

  Ang gobyerno, mainam na pangunahan ang pagkakaroon ng bansa ng disaster-proof structures, mula sa bawat tirahan, gusali at iba pa. Ang evacuation site, marahil dapat mas pag-aralan kung saan pinakaligtas itayo. Pinakakailangan din ngayon ang mas epektibong at mabilis na disaster response ng gobyerno.


  Kasabay niyan, ang publiko, hinihikayat na matuto at makiisa sa panahon ng pagbibigay-babala sa nakaambang kalamidad.

 Oo, hindi ito ang panahon ng sisihan pero agarang oras ito para aralin at isapuso ang mga leksyong iniwan ng nagngitngit na kalikasan.

No comments: