Tuesday, November 19, 2013

SELFIE: OXFORD'S WORD OF THE YEAR



SELFIE ang itinanghal na word of the year ng Oxford Dictionary. Ang salitang ito, isinama na ng Oxford sa kanilang lumalawak na bokabularyo, sa online, nitong Agosto.

 


Sabi ng Oxford, mula noong 2012, tumaas sa 17,000% ang dalas ng paggamit ng salitang 'selfie' sa online.

Walang dudang maraming Pinoy ang may alam sa salitang ito.

Marami rin ang sume-selfie.

Ako, aminadong isa sa kanila kahit panahon pa ng Friendster.

Hindi ko na matandaan kung ano ang una kong selfie photo. Ilan na lang sa mga ito ang nailipat ko agad sa Facebook kaya naisalba. May sinusunod akong rules sa pagse-selfie, dapat naiiba at pleasing akong tignan. Ganito rin naman ang rules ko kapag simpleng kodakan at itatago sa photo album.

Kung kailangang ulitin ang pag-take ng photo, kahit ilang beses-- kakaririn ko.

Hindi naman ako magtataka kung bakit marami ang nae-engganyo sa selfie dahil sa pagdami ng mura at madaling dalhin na cellphone at digital cameras.
 
Mas malaki ang papel dito ng paglipana ng social networking sites para sa halos lahat ng age bracket, na dati ay karaniwang inilalako lang para sa love dating.

Sa social networking site, natuto ang marami na hindi lang precious moment kasama ang pamilya at mga kaibigan ang puwedeng ibalandra kundi ang ating sarili... solo flight!

Sa modernong panahon ngayon na ang mukha mo nga raw ay ginagawang barometro na rin para sumikat, makakuha ng maraming kaibigan at minsa'y makasilat ng tiwala at pagtatangi ng kapwa...
hindi nakapagtataka kung bakit dumarami ang nagsasarili sa harap ng lente ng camera.

SHOW OFF YOUR SELFIES
Marami nang na-imbentong selfie styles. Mula sa noo'y naka-peace sign...
ibinibilad na natin ang sarili habang kumakain, kunwaring natutulog, naliligo, ibinibida ang muscles o pawisang katawan, habang suot ang underwear o swimwear, nakanguso, labas-dila, kagat-labi, hawi sa side ng iyong buhok, nagulat, emo mode at "I-hate-myselfie."


MIRROR, MIRROR
Ang aking selfie photos, ginagawa ko para sa self-fulfillment at unti-unting naisasakatuparan ang magandang packaging para sa sarili.

Nagsimula ako sa close up shot sa aking mukha na may pinakamagandang anggulo....
sa pagtindig at pag-emote sa tabi ng magandang pader...
hanggang sa nakahubad sa harap ng salamin... nagawa ko na ang lahat nang ito noong Friendster era.

Hindi ko naman masasabing naa-addict ako sa pagse-selfie. Kailangan ko rin kasing tugunan muna ang aking kasuotan at kondisyon ng pangangatawan bago ibabad ang sarili sa kodakan.

Mula rito, maipapaliwanag din sa inyo kung bakit isa akong frustrated model.

Aminado akong mababa ang self-esteem noong kabataan at nadadala ko pa rin ito hanggang ngayon... kaya ang pagse-selfie, nagsisilbi kong outlet para sa superficial na pangangailangan para sa sarili.

Sadyang napapalingon ako kung may guwapo at naka-posturang lalaki dahil iniisip ko at hahangarin agad-- "sana gaya niya rin ako."
 
At sa tulong ng selfie, hindi mawawala ang determinasyon ko na i-improve ang sarili sa harap ng maraming tao... nang sa gayon, mas marami akong maging kaibigan o kakilala, madaling makakuha ng magandang trabaho, mas mabilis ang pag-angat sa buhay at marahil makasungkit ng love life.

Ganito ako lumaki. Nakakalungkot man sabihin, hirap na ako para baguhin pa ang pananaw na ito.

NAKAKA-IRITA?
Kung anuman ang dahilan ng iba para makahiligan nila ang pagse-selfie, maaaring nag-uugat ito sa iba't ibang bagay na may kinalaman sa kinalakihang pamilya...
 at sa lipunang halos ikinulong na sa mundo ng cyberspace at mobile technology kasabay ay unti-unting pagkasira ng diwa ng pakikipagkapwa.

Ito ang aspetong dapat munang malaman, maunawaan at aksyunan natin bago sila husgahan at kainisan.

Maliit na porsyento lang ang selfie para masabing may nakababahala sa personalidad ng taong mahilig dito.

Hindi dapat ito tignan na abnormalidad.

Ang mahalagang aral sa isyung pumapaloob sa mga taong nagse-selfie... kailangan nila ng mas maraming oras mula sa pamilya, kaibigan at totoong mundo ng pakikipagkapwa.

No comments: