Friday, August 17, 2012

SAGAD

Ikinagulat ng marami ang kilos-protesta ng mga kawani ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa gitna ng pagbabanta ng Bagyong Helen (International name: Kai-tak) sa Luzon.

Daing nila ang pagkakaalis ng mga benepisyo sa kanila mula pa nitong Marso gaya ng hazard pay.

Napasugod si Pangulong Aquino sa tanggapan ng PAGASA, nagpatawag ng closed door meeting.
Sa huli, walang klarong tugon ang pangulo sa hinaing ng mga empleyado ng PAGASA; mabusisi raw kasi ang pag-aaral na ginagawa para sa solusyon.

Kung tutuusin, hindi raw budgeted ang mga tinutukoy na benepisyo para sa mga taga-PAGASA, nakasalalay lang daw iyon sa savings ng ahensya.

Hirit pa ni PNoy, dapat maging patas ang sistema sa pagkakaloob ng benepisyo para yung talagang mga may trabaho na naaangkop bigyan ng hazard pay halimbawa ay siyang makakakuha lamang nito.

Sa panayam sa kanya sa media matapos ang pulong, bumanat ang pangulo na nagpaalala rin daw siya sa mga nagpo-protestang kawani... na hindi raw maganda kung ang pag-aalburoto nila ay isasabay sa panahong higit na nangangailangan ang taumbayan ng tulong mula sa kanila.

Taong 2010 sinibak ng pangulo ang noo'y PAGASA administrator na si Prisco Nilo dahil sa palpak na forecast sa Bagyong Basyang na sorpresang nanalasa sa Metro Manila na unang nataya ng PAGASA na may mataas na banta lamang sa Hilagang Luzon.


Screengrab: PNoy and former PAGASA administrator Prisco Nilo (SAKSI-GMA7, GMA News Online, August 2010)
Sinabi na rin noon ni PNoy na hindi katwiran ang kalumaan o kakulangan ng resources para makompromiso ang kaligtasan ng sambayanang Pilipino.

Ang ganitong litanya, tila ginagahasa naman ng marami sa atin.

Porke isasangkalan mo ang 'for love of country' ay gagamitin mo naman itong lisensya para utuin o abusuhin ang iyong kapwa.

Paghihintayin mo sila ng mahabang panahon para sa tiyak din namang kurampot na tulong at kung makahingi ka ng serbisyo-- flawless, perfect o walang sablay?!?

FYI Mahal na Pangulo, kongresista ka pa noon, alam na ng marami na hindi naman hitik ang bungang nakukuha ng PAGASA employees mula sa gobyerno gaya rin naman ng estado ng mga public school teacher at sundalo.

FYI Mahal na Pangulo, bigla man silang magkaroon ng problema sa pera- hindi naman sila ora-oradang magwe-welga at sisisihin ka. Simula't sapul, alam nila ang maging makabayan at hindi makasarili.

pero FYI Mahal na Pangulo, tao sila, hindi robot-- nagugutom din sila at kanilang pamilya... usapang siyensya - yun nga lang na malipasan ka ng almusal ay apektado na raw ang pagiging produktibo mo sa buong araw... ano pa kaya kung yung inaasahan mong P50 pandagdag sana sa ulam ng inyong mag-anak ay mapupunta pa sa pamasahe papuntang trabaho o pang-abono sa supply ng chalk?!

Kapag hindi ko na ba nakayanang umutang para pang-pamasahe papuntang PAGASA ay babansagan mo na akong makasarili at nilalagay sa panganib ang ating mga kababayang posibleng masalanta ng bagyo?!


Sa ordinaryong opisina, makikita ang ugaling gaya ng ipinapakita ni PNoy sa mga taga-PAGASA.

Kunwa'y io-orient kayo ng inyong boss na ang inyong ginagawa ay para sa kagandahan ng kumpanya at may mahalagang kontribusyon na rin sa bayan.

Kung ikaw ay likas na may dedikasyon sa trabaho, sa una, hindi mo papansinin ang kakulangan o kahinaan ng kumpanya... titiisin mo kahit ang alok na sweldo sa iyo ay mas malaki pa sa nagagastos mo sa araw-araw.

Pero sa pagtagal, kakalam ang iyong sikmura... maiisip mo na sa mundong ito, may larong tinatawag na 'survival of the fittest.'

Maaaring magsalpukan ang pananaw mo sa pagkita ng pera at pagtataguyod sa sarili mong adbokasiya o interes.

Huwag nyo kaming sagarin.

Kung nakikita ninyo na nagiging maganda pa rin ang output ng kumpanya sa kabila ng kakulangan ng resources nito, hindi ibig sabihin nito ay pababayaan ninyo na ang mga manggagawa na pilit naghahanap ng paraan para pagtakpan ito o pansamantalang masolusyunan.

Oo, maaaring malakas pa ang buhos ng tubig mula sa inyong gripo kahit may maliit na tagas sa tubo nito... pero huwag nyong tipirin ang paghahanap ng permanenteng sagot para rito kung ayaw mong lumala ang tagas ng tubig at sumabog ang tubo nito.

Huwag kayong hayok, makasarili at pilit kaming sinasaid.
Napuputol din ang mahabang pisi.

No comments: