Nakakatawa ang tagpong iyon dahil hindi ko alam ang aking gagawin, ang sasabihin sa Kanya. Sa huli, nagpasalamat ako sa lumipas na taon na binigay Niya sa kabila na marami pa rin akong dalahin. Hindi ako humingi ng anuman para sa sarili-- sa pamilya na lang namin sa halip. Tutal, simula't sapul na nagtanim ako ng galit ay hindi ko na iniisip kung may ipagkakaloob pa Siya sa akin na tiyak ikagiginhawa ko pangmatagalan. Lahat naman ay binabawi, lahat ay may kapalit.
31 na ako, muling nauusal sa sarili kung ano ang halaga ng aking pananatili rito.
Bago ang espesyal na araw ay makailang-beses na akong nagsesenti at halos naiiyak sa paghahanap ng sagot. Heto't muling dumadaing ng pagkahapo sa dami ng problema. Oo, lingunin ko raw ang mas nagdarahop... Eh, ano naman, 'ika ko. Hindi naman sila nakakatulong sa pagresolba ng problema ko at mas lalong di ko sila matutulungan.
31 na ako, hindi pa ako financially-stable.
31 na ako, wala akong naiipon.
31 na ako, wala akong government issued ID.
31 na ako, may trabaho pero kailangan kong dumating sa puntong hihingi ako ng 'baon' sa aking mga magulang
31 na ako, nasaan ang inspirasyon ko?
Pamilya? Paano kung sila rin ang napagkukunan ng sama ng loob?
Siya? Eh, matagal na akong hindi umaasa.
Noong bata pa ako ay dinarasal ko na kunin na Niya ako pero di pa rin Niya ginagawa. Binalaan ko na rin Siya na kung di Niya iyon gagawin, walang kasiguruhan na ako'y buong-buo na gagawa ng mga bagay na sang-ayon sa Kalooban Niya.
Naabot ko ang estado na may magandang trabaho pero tila hirap pa rin dahil sa kalagayan ng aming pamilya.
Naabot ko ang estado ngayon na maraming bitbit na pagnanasa at paghihiganti.
Partida, bumait na ako nang konti, ipinapahinga ang puso mula sa mga ganitong saloobin. Nakakapagod palang magalit at manangis pero bakit ganoon, lahat ay nagbabalik...
Marahil dala ng maraming kakulangan sa aking buhay na hindi ko pa rin masikwat. Ambisyoso ba ako?
Marahil, hindi pa ako ganap na nakapagpapatawad.
Marahil, hindi ko pa rin matanggap ang tunay na ako.
Marahil, naghahangad ako ng isang salop.
Paumanhin, dapat masaya ako sa araw na ito pero hindi maiwasan ang ikumpara ang sarili sa iba. Hindi bale, lilipas din ito-- gutom lang at ispiritu ng Red Horse beer haha
Salamat sa mga nakaalala at bumati...
Published with Blogger-droid v2.0.6
No comments:
Post a Comment