Lahat tayo ay nagdarasal para sa agarang paggaling ni Comedy King Dolphy.
Kasabay nito, biglang-ugong naman ng panawagan para ipagkaloob sa Hari ng Komedya ang National Artist Award.
Ilang grupo ang nagsusulong nito, na agad umani ng suporta sa marami nating kababayan.
Sino nga ba ang may ayaw?! Tila nga mayroong kontra, dati na rin palang na-nominado si Mang Pidol pero 'di siya napapansin/pinapansin.
Sa report ng GMA News, taong 2009 nang huling makasama sa nominasyon ang beteranong aktor pero hanggang second deliberation lang ang inabot daw niya, ayon sa National Commission on Culture and the Arts o NCCA.
Kinulang daw ng boto para kay Dolphy mula sa mga hurado.
At dahil doon, hindi nakausad sa pangatlo at pinal na deliberasyon ang nominasyon sa Comedy King.
Mula sana rito ay saka pa lang magkakaroon ng pormal na listahan ang NCCA kung saan mamimili ang Malakanyang.
credit: GMA News/ GMA News Online |
Ang Palasyo, pilit ipinaiintindi sa publiko ang nasabing proseso na anila'y hindi nila puwedeng pakialamanan o impluwensiyahan...
kung tutuusin nga noong 2010, si Pangulong Noynoy Aquino na ang nagkaloob ng Grand Collar of the Order of the Golden Heart kay Dolphy, pangalawa sa pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Pangulo sa isang indibiduwal.
Noon pa man, ipinaabot na ng Pamilya Quizon ang pasasalamat sa parangal na iyon.
Taliwas dito ang paniwala ng ilan at katunayan ang iba, binubunton sa Palasyo ang sisi.
Palibhasa raw kasi, hindi si PNoy ang sinuportahan noon ni Pidol noong nakalipas na presidential elections.
Kung ako ang anak ni Dolphy, hindi rin ako matutuwa kung nagpasyang ihabol ang parangal na National Artist para sa aking ama... nakaka-insulto pa nga iyon kung tutuusin.
Hindi ako naniniwalang pinepersonal ni PNoy ang Comedy King... kung iisipin, kahit paano'y tutulong din si Kris Aquino na ipaunawa noon pa man kay PNoy ang naging posisyon ni Dolphy noong eleksyon. Hindi naman naiiba pa ang pangulo sa mundo ng showbiz na kinalakhan ng kanyang bunsong kapatid.
Hugas-kamay ako, hindi ako maka-PNoy ha!
May humihirit naman na puwede naman yatang makialam na ang pangulo.
Minsan nang ginawa ito ni dating Pangulo Gloria Arroyo, nagdagdag siya ng apat na iba pang artists na hindi dumaan sa tamang proseso ng nominasyon at deliberasyon... sa huli, ang resulta ng pagpili ng National Artist awardee ay naging kuwestyunable.
Ngayon, gusto ba nating mabahiran ng kontrobersya at pagdududa ang paghirang kay Dolphy?!
Nais ba nating maglimos tayo ng parangal?
Sa palagay nyo ba kapag nakialam na ang Palasyo, matutuwa ba ang mga umaapela... o baka pulaan lang din nila iyon at tawaging pagpapapogi?
Sa akin, sapat na ang makita ang sinseridad ng ngiti ni Dolphy nang matanggap niya ang parangal ni PNoy... hindi man mamatay ang intriga sa kanilang dalawa dahil sa pulitika.
Doon ko nakita ang turo ni Mang Pidol-- maging mapagkumbaba.
No comments:
Post a Comment