Thursday, May 10, 2012

KUYOG SA NAIA

Sino nga ba ang hindi naaliw, nainis o nakisimpatiya sa mga karakter na nasangkot sa sapakan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Linggo?

Sa pinagtagpi-tagping mga kuwento, nagrereklamo raw noon sa ground attendant sa airport ang aktres na si Claudine Barretto kasama ang mister na si Raymart Santiago, mga anak at ilan pa dahil sa na-offload nilang bagahe mula Boracay, salamat sa Cebu Pacific Air.

Nadatnan ng broadcast journalist na si Ramon 'Mon' Tulfo ang umano'y galit na si Claudine. Noong una raw, nakikisimpatiya pa raw si Tulfo para kay Claudine na hindi niya raw agad nakilala (hanggang sa magpang-abot sila nang harap-harapan).

Pero ayon kay Tulfo, napansin niyang lubha nang matatalas ang mga salita ni Claudine sa airport staff at nang-aalipusta na raw... kaya nagpasya siyang kuhanan ng cellphone photo ang aktres at gawan daw ito ng istorya (read: artikulo sa pahayagan o balita sa radyo).

Sa kuwento ni Raymart, napansin daw ng kanyang kasama at ipinaalam sa kanya ang ginagawa ni Tulfo. Palapit pa lang daw ang aktor sa 'di rin daw niya agad nakilalang si Tulfo at tinanong tungkol sa pagkuha ng litrato-- nang bigla na lang daw siyang suntukin.

Iba ang bersyon ng columnist, pilit daw kasing kinukuha sa kanya nina Raymart ang cellphone at sinaktan daw siya.

Hirit naman ni Raymart, gumanti lang siya nang tinadyakan ni Tulfo si Claudine... pero ayon sa kolumnista, malamang nasaktan niya ang aktres dahil sa sumiklab nang gulo.

Kadikit ng kontrobersya ang pinag-uumpog ngayon na mga karapatan.

-right to privacy.... nina Raymart at Claudine bilang mga artista.
Paano kung nagwala ka sa isang pampublikong lugar, magigiit mo pa rin ba ang karapatang ito?

-press freedom... ni Tulfo na nais gumawa ng istorya mula sa nasaksihan.
 Pero hindi raw proper na nagpakilala si Mon bilang taga-media

Maipunto ko lang, paano kung hindi mamamahayag kundi isang youscooper o citizen journalist lang at nais maging source ng balita ang kukuha ng litrato kina Claudine?!? May karapatan ba sina Claudine na sitahin o pigilan sila... at ipabura o kumpiskahin ang cellphone?

Ang nakakalungkot, ang mga ito ay mananatiling debate na lang hanggang sa mga umpukan sa kanto. Walang mangangahas na resolbahin.

Nagkasampahan na ng kaso ang bawat kampo. Sa tingin ko, tanging ang isyu na lamang ng "kung sino ang unang nanakit" ang uusad.


Nasasabon na rin ngayon ang airport security dahil sa kanila raw 'kahinaan' o 'kakulangan' kaya nalamog si Tulfo.

Mas naging mainit naman ang tingin ngayon sa ilang airlines na walang kunsiderasyon sa mga pasahero nito... kung MARUNONG lang daw sanang MAG-ABISO ang Cebu Pacific sa anumang pinaggagawa nila kahit pa pinapangatwiranan nila ang isyu raw ng seguridad sa eroplano.

Hindi na isyu ang child abuse kahit pa sabihing na-trauma raw ang mga anak ni Claudine. Alam naman ng mag-asawa na kasama nila ang kanilang mga anak mula nang sila'y nagtatatalak sa ground attendant... naisip din ba nila na negatibo ang impresyon nu'n sa mga bata? Eh, di sana, nailayo na rin nila ang kanilang mga sarili sa riot.

At kung totoong unang nanakit si Claudine, hindi na rin isyu ang abuse on women. 
Maski lalaki ka pero kung babae ang nanakit sayo, okay lang din ang makaganti, choice mo. Hindi kasiraan iyon sa pagkalalaki pero lalong 'di naman pagmamalaki iyon ng machismo.


Hindi rin isyu kung may nasaktan kang nakakatanda... basta't alam mong nasa tama at mas may pinagkatandaan.


Sa huli, ang pangit na ending sa sapakan sa NAIA ay parehong talo ang magkabilang partido.
Kontrabida sila sa 'mayorya'.... at tanging kakampi lang ay kani-kanyang 'fans.'



No comments: