Tuesday, February 28, 2012

SI LOLA AT ANG PABORITO NIYANG APO

Sa jeepney terminal, ilang pasahero na lang ang kulang at mapupuno na ang sinasakyan kong jeep. 

Ang dalawang huling pasahero- isang lalaki na nasa 20 pataas ang edad, tawagin natin siyang si Glen at isang ale na naka-office attire... si Mrs. Perez.

Nasa driver's side ang ale habang si Glen sa kanan. Puno na ang jeep.

Si Glen, animo'y umapela sa barker.

"Ay, Manong, kasama ko yung nasa likod n'yo po."

Hayun, kasama pala ni Glen ang kanyang lola.

Kita sa mukha niya ang pagkadismaya-- sa 'di ko tiyak na kadahilanan.

Si lola, bagaman masasabing malakas pa base sa kanyang pananamit, bakas naman ang mabagal na niyang pagkilos. Nasa labas pa ng jeep si lola.

Sarap-dagukan itong si Glen!
Dapat pinauna niya ang kanyang lola, para silang dalawa talaga ang makaka-upo.

"Paupuin mo na lang si lola at sumabit ka muna," mungkahi ng barker kay Glen.
Walang sagot si Glen. Si Mrs. Perez, tila nakahalatang gusto siyang "paalisin" ni Glen para makaupo ang lola nito. Magkaharap sina Mrs. Perez at Glen.

Ilang sandali, tumayo si Mrs. Perez, siya na raw ang lilipat sa susunod na jeep.
Pero bago man tuluyang makababa siya, nagparaya na ang isang mama at siya ang sumabit sa estribo.

Si lola, nakaupo na rin sa wakas.

Sa aming pagbiyahe, lumuwag din ang jeep. Nagkaroon ng pagkakataon na magkatabi si Glen at kanyang lola.

Nag-abot na sila ng bayad. Si lola ang kumausap sa alalay ng driver na kumuha ng kanilang pera.

Naka-earphone ako't nakikinig ng music kaya 'di ko masyadong nasusundan ang usapan nila-- ang malinaw lang sa mga mata ko, ilang beses nagtatanong ang alalay ng driver at animo'y kuntodo-paliwanag naman si lola.

Kinakausap na nga rin si lola ng lalaking katabi niya.
Teka, nasaan si Glen?
Hayun, tahimik lang, diretsong tingin lang sa labas ng jeep.

Sa Valley Golf pala bababa si Glen at kanyang lola.
Nauna si mabait na apo, nag-abang sa baba ng estribo para kay lola.
Pagkababa ng matanda, umusad na muli ang aming jeep.
Nilingon ko ang mag-lola.

Si Glen, nauna nang nakatayo sa sidewalk.
Wala si lola?!? Ahh marahan po siyang naglalakad patungo sa kinaroroonan ng kanyang apo.

Nakakabuwisit ka talaga Glen!


1 comment:

James Pereira said...

Hi, U have a nice blog.U r invited to visit my blog true-shapherd.blogspot.com