Sunday, February 19, 2012

10 YEARS SA SHOWBIZ

Hindi para kiligin o inggitin ang sarili sa lovelife ng iba kaya ko sinisikap maging masaya tuwing Pebrero... Espesyal ang buwang ito dahil ipinaaalala nito sa akin na may masasayang yugto pa rin sa buhay ng pessimist na gaya ko.
"Magaling na ba ako?"
"May binatbat ka na ba?"
"Financially stable ka na ba?"
"Mayaman ka na ba?"
"Masaya ka na ba?"

Ito parati ang tanong ko sa sarili sa paglipas ng bawat taon sa trabaho.  

Sampung taon na... walang pahinga, walang bakasyon, todo-kayod hindi pa man nakaka-graduate sa kolehiyo ay nandito na ako sa gusaling ito para magpakitang-gilas na kaya kong maging masinop at kapaki-pakinabang na manggagawa ng isang malaking kumpanya.

Dapat ko lang doblehin ang lakas sa kabila noon ng aking pispis na katawan at taglay ang imaheng lampa o di kaya ay bookworm o malamya para sa mga gawaing kailangan ng ubod-bilis na galaw.

Higit sa pakitang-gilas, isinasapuso ko iyon dahil sa mahirap na sitwasyon ng aming pamilya-- at ang malaking responsibilidad pampinansyal ay nakaatang na rin sa akin.

Ang kakapusan at kahinaan ko ang idinuduldol ko sa sarili para itulak ang pangarap na umangat ang estado sa buhay.

Hindi naging madali ang lahat... lumipas ang unang taon ko na halos maupos na rin ang aking pag-asa at muntik bitawan ang laban.

2003, dalawang linggo bago ang nakatakda ko sanang pagsuko ay dumating ang magandang balita para sa oportunidad sa parehong lugar ng pinagtatrabahuhan. 

Kinumbinsi ko muli ang sarili... hindi naman ako nagkamali, totoo na iyon... may papel na. Ganap na akong empleyado mula noon. Tumanggap din ng mas mataas na responsibilidad makalipas ang anim na taon. 
 





"Magaling na ba ako? May binatbat ka na ba?"

Sa sampung taon, hindi ko man napapatunayan na magaling ako at may iaangat pa sa upuan... masaya na akong ipakita ang aking kasipagan at dedikasyon o marahil ay loyalty, sa tingin ng iba. Alam kong hindi sapat ang mga iyon para magmarka at magtagal pa ako sa industriyang kinabibilangan ko-- batid kong kulang ako sa 'authority' at 'mangarag' hahaha.

Marahil, kaya pa ako naririto ay dahil sa praktikalidad na anumang oras ay puwede akong hugutin para sa mabilisang programa-- "pagtiyagaan"  ika nga hehe. 

Syempre hindi ko iyon sinasamantala, sinisikap ko pa ring mag-aral at matuto. Iyon nga lang talaga, wala sa dugo ko ang mabibilis na pagkumpas ng kamay. Hirap man pero tuloy ang kapa. Sanay naman e.



2003-2011: Walong taong paglilingkod sa Unang Hirit, walong taong a la call center agent







O di ba, tumaba rin naman ako sometime?








"Financially stable ka na ba? Mayaman ka na ba?"

Hindi ko itatanggi na one-day millionaire ako tuwing pay day dahil ba naman sa dami ng obligasyon sa bahay. Sa dami ay dinadamutan ko ang sarili. Kung magkaroon man ng extra, huwag nyo na sana akong konsensyahin pa kung may ilang bagay na nabibili ako agad pero tingin nyo ay parang luho... at may ibang bagay na sana ay napa-prayoridad ko raw pa gaya ng pag-iipon pero di ko nga magawa.

Alam nyo yung... sa liit na napupunta o natitira para sa akin, maiisip ko pa ba na mag-ipon kung pwede ko namang ipangkain na iyon sa isang bihirang restaurant -pang-regalo ko man lang sa sarili kada pay day?!

Luho ba ang pagpapa-spa kung 7 days a week ang aking trabaho... yun nga lang, malaking bawas iyon sa natitira kong allowance para sa susunod na 15 days ko sa opisina :(

Sa ngayon, kinakapa ko ang aspetong ito... marahil dahil mas marami ang nagbukas na bintana-- at dudungawin ko na lang siguro.





Pinakagusto ko pa rin ang magpa-picture sa mga pulitiko. Kung sa mga artista o TV personalities/celebrities, iyan ay sina Ogie Alcasid, Katrina Halili, Asia Agcaoili, at ilang favorite bands.






"Masaya ka na ba?"

Nakakalkal ko ang sangkatutak na papel sa bahay na may kinalaman sa aking pananatili sa trabaho...
mga sinaunang payslip, kontrata...at mga larawan ng masayang karanasan.

Kung masisibak ako sa trabaho, sana ay magkaroon ako ng sapat na pera para makapag-setup ng malaking piging (fiesta?!? hehe) bilang pasasalamat sa lahat ng mga nagbigay ng lakas-loob sa akin, umunawa, nagtiis, sumuporta, nagtitiwala, tumutulong at nagpa-utang din kahit na alam nilang mas malaki ang suweldo ko sa kanila.

Alam na nila kung sinu-sino sila... huwag sana kayong magtampo kung di ko kayo mababanggit kasi baka sabihin ng iba, sumisipsip ako.  





Kung may nakasamaan ako ng loob sa ilang naiwan o iniwan ko, humihingi ako ng paumanhin. 

Pasensya na sa mga nakukulangan sa akin... naliliitan sa akin... nagdududa sa akin.


Pessimist ako pero ang gusto ko, mga positibong tao ang nakapalibot sa akin... para mabalanse kahit paano ang pagninimbang ko sa mga mabibigat na pasan ko-- personal man o sa pamilya.


Trenta anyos na ako, buti na lang "numero" lang ito para sa akin-- pero aminado ako na dumarating sa punto na mas naiisip ko na ang sariling kapakanan-- kaya naman, mas mahirap ang mga bagay na kailangang desisyunan agad at may win-win solution ika nga.


Kung tutuusin, napapagod na ako... pero walang choice.


Kakayanin ko pa ba ang panibagong 10 taon? Kilala ko pa ba ang sarili ko? Rewarded na kaya ako nun? 

1 comment:

Roma is Love said...

If you're still growing then that's one good reason to stay. :) Kung wala na yung aspeto na yon..eh..mag-muni muni ka na :) To more growth this 2012!