Wednesday, November 9, 2011

SOCIAL CLIMBER

Habang kumakain ng value meal sa Jollibee (mid-2000s)...

Lumapit ang isang babae na may dalang personalized ballpen.

"Sir, bili na po kayo ng ballpen na ito. P50 po. Makakatulong pa kayo sa aming foundation." Sabay pakita sa akin ng isang brochure tungkol sa foundation.

Tinanong ko siya ng samu't sari tungkol sa kanyang grupo. Sa huli, I conclude na 'di siya member ng foundation na nasa brochure. Nanloloko siya.

Humirit ako-- "Mahal naman yata ng ballpen na yan. Next time na lang ha."

Nasorpresa ako sa sagot ng babae-- "Buti nga kayo nagja-Jollibee" sabay alis niya sa harap ko.

Somehow, na-guilty ako pero dahil that time, pinilit kong mag-Jollibee kahit kakapusin ako ng pamasahe... nasambit ko na lang sa sarili--

"Hindi ko naman siguro kasalanan na minsan ay mag-Jollibee ako."

May ganitong pinagdaraanan ang mga taong hindi lumaki na nakaririwasa, mga taong inuuna ang gastos sa ibang prayoridad kaysa sa pansariling kapakanan.

Alam mo yung pakiramdam na kapag sumubok mong kumain sa fine dine restaurant gayong "mayaman" ka na nga at halos kuntento kung swerteng mapapadpad ka sa Jollibee kada linggo.

Alam mo yung pakiramdam na first time na pumasok ka sa isang mamahaling boutique kung saan matamang pagmamasdan ka ng mga salesman o saleslady mula ulo hanggang paa?

Alam mo ba yung pakiramdam na gagamitin mo ang niregalo sa iyong gift certificate sa isang high end na salon pero haharangin ka muna ng security guard at sasabihin sa iyong "Mahal dito, boy... nagbibigay din ng tip."

Mahirap bang lumugar hahaha

Sabagay, kapag pogi/maganda/kutis-mayaman ka, kahit gula-gulanit ang iyong damit... marami pa rin talaga ang magandang babati sa kanila...pero kabaligtaran sa mga 'di kagandahan.


Kapag pinilit mo kasi, tatawagin kang "fashion victim," "social climber," "ignorante," "feelingero."


Pero sabi nga ng iba, huwag ma-guilty kung gagastos sa sarili... basta masaya ka at alam mo na hindi ka sumusobra. 

Saan ka kumportable, pumaroon ka... ang payo ko na lang-- maghanap ka ng totoong magsasabi sa iyo kung ano at hindi bagay sa iyo, saan ang limitasyon mo, ano ang dapat at hindi dapat.

Huwag ding mahiya na ipakita kung ano ang nakasanayan... pero huwag din namang pigilan ang sarili na matuto pa.

Ang dikta ng lipunan, nakakalito- nakakagulo... kapag hindi ka naging maingat, posibleng mapahamak ka at mahila ang iyong sarili pababa.

Puwedeng-puwede mong maabot ang isang "pangarap" kahit isang araw... ang makapag-Jollibee, Starbucks, Bench, Zara na walang magsasabi sa iyo na trying hard ka... nagpapaka-sosyal ka lang, porke wala raw sa hilatsa ng hitsura mo, wala sa porma mo, wala sa aura mo.

Hindi ba puwede sumubok? Matuwa lang tayo pa-minsan minsan.

No comments: