Sunday, November 6, 2011

END OF THE WORLD

Bilang mo na ang nalalabing araw sa taong ito. I-minus mo sa 365 days di ba?
Nataon pa na next year 2012, end of the world daw.

Natatakot ka na ba?
Takot kang mamatay?!?



Si Ate, nagugulumihanan kung dapat na bang apurahin ang sarili para makapag-asawa na-- mawawala na raw kasi siya sa kalendaryo.

Ang mga hindi regular na empleyado, nag-aagam-agam muli kung magtatagal pa ba sila sa trabaho. Sino nga ba naman ang hindi, itanong mo pa kahit sa mga regular na at nabigyan ng "service award."

End of the world nga ang ating pakiramdam, oras na wala nang masaid maski isang gatang ng bigas o puputulan na kayo ng kuryente dahil overdue na ang bill nyo.

Mas kaawa-awa raw ang mga taong nahirati sa maraming luho, masira lang ang LED ng kanilang cellphone, ngangawngaw na siya-- kailangan na raw niyang bumili ng bago, kasabay nito, aatungal sa di raw makatwirang presyo sa merkado ng nakursunadahang gadget.



Ang mga Pilipino, hindi raw takot mamatay. Laging usal nila, "kung oras mo na, oras mo na."

Wa epek ang 2012 scare.

Pero nakakatuwa na kapag pamilya na ang nasisingit sa usapan, bumabahag na ang buntot natin-- oo, ayaw nating mamatay agad kung hindi pa natin nakikitang nakakariwasa na sila.

Ako, madalas ko ring iniisip iyan. Sa dami ng problema, "Dear Lord, sana kunin mo na ako" ang maririnig mo sa akin.

Subalit ilang sandali lang, kakambyo rin ako, "Teka, wala pa pala akong ipon para panggastos nila sa libing ko... May mga utang pa pala akong dapat bayaran." Hahaha

Kaya hindi ka dapat mailang kung paghahandaan mo ang magiging ataul mo, magpapa-cremate ka ba o hindi, ilang araw ang pagburol sa iyo, at gusto mo bang iprusisyon ka sa buong bayan?

Ituloy mo lang ang pang-araw-araw na gawain. Bawal ma-guilty na baka bukas huhusgahan ka na at kakainin ng alabok.

Mas mainam kung sa normal na paglalakad mo matitisod ang ginintuang-aral-- hindi dahil sa nanakbo ka. Hindi ka pinilit, walang nandiktang lipunan kundi konsensya lamang.

Sabay ng pagmamahal sa sarili, pursigihin mong mabuhay din para sa mga nagmamahal sa iyo at handa pang mahalin ka nang habambuhay.

Huwag isiping ito na ang huling araw para magpakabait, magpakagaling, at iduldol ang sarili para ibigin ka.

Pangit ang bunga na hinog-sa-pilit.

Huwag isipin ang katapusan, sa halip, ituring ang bawat sandaling hinahabi mo sa mga mahal mo bilang paulit-ulit na MAGANDANG PANINIMULA.

Dahil gaganahan ka.

Hindi mo maaatim na tapusin ang Happy Beginning.

Kung mamamatay man ako ngayon, iisipin ko na lang na natutulog lang ako, at pinagmamasdan ako ng aking mga mahal na sila ay nakangiti. Walang hinuha sa aking mapait na naramdaman, sa halip, panatag sila sa maayos kong kinalalagyan at sa hinaharap nila.

Walang End of the World.


No comments: