Thursday, September 15, 2011

RESPETO, PAGGALANG, KAPANGYARIHAN

Pinakamagagalang daw ang mga Pilipino.

Bata pa lang tayo, tinuturuan na ng paggamit ng 'po' at 'opo' sa pakikipag-usap sa nakatatanda sa atin.
Bukod pa ito sa mga salitang dapat ikinakabit sa bawat pangalan nila bilang tanda ng paggalang...

"Ate Susan, Aling Katring, Manong guard, at Kuya Vlad."

Depende sa edad o sa katungkulan ng iyong kausap... kamag-anak man siya o nakasalubong mo lang ngayon at nais pagtanungan-- tayo'y nagbibigay-loob sa nakatatanda, mas mataas ang posisyon sa trabaho o nabibilang sa alta-sociedad.


Paggalang.

Pero makatwiran ba kung minsan isang araw, makaligtaan mo ang magbigay-pitagan dahil sa iyong emosyon o nais mong panghawakan ang sariling prinsipyo o paninindigan?

Magagalang ang mga kasambahay sa kanilang amo.

"Yes sir"... "Opo ma'am"  ganyan ka-palasak ang mga salitang iyon sa araw-araw na pagsisilbi nila.

Ngunit nasusuklian ba ito?

May ilan sa atin na tila ba nananadya-- sa kung anong galang at malumanay makipag-usap ang kasambahay ay sinasagot naman ito ng pasigaw na tono ng amo.

Hindi na tayo lalayo, sa karaniwang opisina ng mga pribadong manggagawa, ang mga taong malumanay at magalang makipag-usap ang madalas pa ang hindi natatratong maayos ng nakatataas sa kanila.


Ganyan ang marami, kapag pakiramdam nila ay obligadong kilalanin ng marami ang kanilang hinahawakang kapangyarihan. 


Power tripping? Bullying?

So, makatwiran ba kung minsan isang araw, makaligtaan mo ang magbigay-pitagan dahil sa iyong emosyon o nais mong panghawakan ang sariling prinsipyo o paninindigan?

So, tama talaga ang konsepto ng "survival of the fittest"... walang puwang sa mundo ang mahihina?!


Hindi kataka-taka, nauulit ang kultura ng diskriminasyon at pang-aapi dahil sa konsepto ng kapangyarihan... ang mga dating nakaranas ng pang-uuri, bumabangon at gumaganti-- sa halip na tumulong para iyon ay ituwid.

Masisisi ba sila?

Sana sa sariling bakod ko, maumpisahan ko ang paglilinis.

Kahit paano, sinisikap ko.

Dahil batid ko, ang paggalang, tunay na ilang beses mong makukuha-- sapilitan man o itinatakda ng tradisyon o kaugalian ninyo.

Pero wala roon ang kalakip na respeto... dahil inaani iyon, napipitas mula sa mga taong hindi nabubuhay sa sindak o takot sa iyong hawak na kapangyarihan.

2 comments:

aajao said...

ang ganda ng pagkakasulat.

mamatay na ang mga power-tripper! :P

toplatsi said...

hahaha mas salbahe ka!