Monday, September 26, 2011

MILAGRO MATAPOS ANG BAGYO

    Makulimlim pero ang tila payapa ang umaga ng September 26, 2009, araw ng Sabado.
    Wala halos nag-akala na matatapos iyon sa isang malawak na trahedya.


A satellite image of Tropical Storm Ketsana (Ondoy) last 2009. Foto credit: US Navy/Joint Typhoon Warning Center/NASA


    Pinalubog ng Tropical Storm Ondoy (Ketsana) ang Metro Manila at ilang karatig-probinsya.

    Naisailalim ang Kamaynilaan sa state of calamity.

    341 milimeters ang ibinagsak na ulan ng naturang bagyo sa NCR,  mula alas-otso ng umagang iyon hanggang alas-dos ng hapon.

    Ayon sa PAGASA, kasindami na ito ng ulang nakukuha natin sa loob ng isang buwan.


Credit: Wenzzo Pancho/ Reyna Elena.com

    At sa buong araw, naitala ang 455 milimeters rainfall sa Metro Manila, lagpas-lagpas sa 334 milimeters na naitala noong June 1967.

    Walang pinili o sinino ang bahang dala ni Ondoy.

    Kahit saan ka tumingin, kalunus-lunos na mga imahe ang tatambad dulot ng animo'y delubyo.

    Mga wasak na sasakyan... hile-hilera, patung-patong.

    Ang baha, animo'y nagngangalit sa paghahanap ng madaraanan.

    Ang mga bahay at establisyimento, pinalubog.

    Ang magkahalong tubig at putik, hanggang dibdib.... meron ding lagpas-tao!

    Ang mga naabutan sa kani-kanyang tirahan, walang nagawa kundi akyatin ang bubungan o umakyat sa mas mataas na lugar sa gitna man ng ulan.

    Nabura ang mga marangyang gamit ng mga mayayaman. Ang mga ordinaryong tao, lalong nanlumo nang mawala sa kanila ang mga payak pero labis-labis nilang pinaghirapang ari-arian bago napundar.

    Pero higit sa mga ito, mas mabigat sa kalooban ang halos 500 buhay na nawala.


Credit: Josepherdon.blogspot.com

    Sa kabila nito, may nangahas na iba para isalba ang buhay ng mga nangangailangan, kahit kapalit ay sariling kaligtasan.

    Pagod man at nag-aalala sa kani-kanyang pamilyang nasalanta rin ng Ondoy---
    Hindi naman matatawaran ang sakripisyo ng mga pulis, sundalo, mga kawani ng gobyerno, volunteers, at iba pang indibiduwal... sa paghahatid ng tulong sa kanilang mga kababayan.

    Sa gitna ng trahedyang sumubok muli sa katatagan ng mga Pilipino, naipakita pa rin natin na hindi nauupos ang pag-asa.

No comments: