Sunday, June 12, 2016

PUBLIC TRANSPORT WOES: SLIM ONLY PASSENGERS ON UV EXPRESS?

Isang plus-size woman ang unang naupo sa tabi ng driver's seat ng sinasakyan naming UV Express sa Cubao. Mabilis namang napuno pero nag-aalangan ang dispatcher kung may gustong tumabi sa ale.
Tinanong siya kung isa lang (pang-1 tao na pamasahe) ang babayaran nito... oo raw. Nakita ko sa mukha ng dispatcher ang pagkadismaya.


May tatlong minutong walang dinadalang pasahero para itabi sa plus-size woman kahit alam kong may mga nakapila naman.
Ilang sandali, bumalik ang dispatcher sa aming van at kinausap ang ale. Posibleng sinubukan ni kuyang na ipaunawa ang sitwasyon... na tila walang bagong pasahero ang gustong tumabi sa nasabing plus-size woman dahil may kaliitan ang harapang seats. Mukhang hindi pumayag ang ale, base sa sumunod na eksena.
Ilang sandali lang, balik si dispatcher kasama ang isang manong (medium-built ang pangangatawan).
Kaswal lang si plus-size woman na umusog para makaupo ang manong. Nag-work!!! That's a happy ending.


+++++
Hindi lahat ganito ang eksena.
Pasakit daw talaga sa matataba o malalaking pasahero ang mag-commute dahil sa konsiderasyon sa kapwa.
Ang ilan ay kusa nang babayaran ang ikalawang upuan. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon at hindi rin lahat ng plus-size passenger ay "can afford" ang doblehin ang pasaheng babayaran.
Ang masakit, madalas tampulan sila ng mapanghusgang tingin ng iba.
At nagulat ako na may mga UV at maski taxi ang gumagamit pa pala ng stickers na nag-aabisong mas gusto ng driver ang payat na pasahero lalo sa tabi niya. May ilang nagtatakda na ng quota- "4 SLIMS ONLY" halimbawa para sa mga uupo sa gitnang bahagi.
Inirereklamo ito ngayon bilang uri ng diskriminasyon. Ang LTFRB, iginiit na bawal ang ganoong sistema. Hinihimok nito ang riding public na isumbong ang choosy na driver.
Sa kabilang banda, puwede rin nating maunawaan kung saan nanggagaling ang aksyong ito ng ilang driver.
Sa isang UV, pang-apatang tao talaga ang kada hilera ng upuan sa gitna at likuran habang dalawa sa tabi ng driver. Mukhang alinsunod naman ito sa alituntunin ng LTFRB.
Ang concern daw ng mga driver, paano naman ang kanilang kita? Hindi sila lahat ay may-ari ng UV... kadalasan, naghahabol sila ng kita para pambayad sa boundary P1K pataas; bukod pa na dapat ay pinakargahan nila ng krudo ang sasakyan bago gumarahe. Kung magkano matira- iyon ang "neto" nila.
Kung tutuusin, hindi pa man nauso ang "SLIM ONLY" stickers ay ginagawan na lang ng diskarte ng barker o dispatcher ang pagpapa-upo sa bawat pasahero para walang magreklamo na masikip ang pwesto nila.
Oops, ibang usapan naman ang pagpapasiksik sa mga pasahero sa jeep.

No comments: