Naglalaho na raw ang diwa ng EDSA People Power 1.
Ayon sa mga taong nagsusulong at nagpre-preserba ng bahaging ito ng kasaysayan, kapuna-puna na nga ang pagbabalewala ng makabagong henerasyon sa tinaguriang kauna-unahang "peaceful revolution" sa mundo na minsa'y hinangaan at pinarisan.
Pumasok ang milenyo, tila unti-unti namang sumisibol ang sentimyento sa paghahangad na bumalik ang panahon ng administrasyon ni Ferdinand Marcos.
Ang kinasuklaman at pinabagsak na diktador, umaani ngayon ng mga papuri sa diskusyon ng "millennials" at ilan ding nakatatanda kasama ang mga tagasuporta noon ni Marcos.
Naikukumpara nila ang panahon ngayon sa rehimeng inakusahang sumikil sa kalayaan at pumunit sa demokrasya.
Bakit tayo nauuwi sa kabanatang ito?
Sa ika-tatlumpung anibersaryo ng makasaysayang pag-aaklas, pipilitin daw ng mga anti-Marcos, pro-democracy at mga pro-country na buhayin sa puso ng makabagong kabataan ang halaga ng paggunita sa EDSA.
Tingin ko, may pagkukulang mula sa parte ng ilang personalidad ng EDSA.
Sa pag-upo nila sa pamahalaan, nakita ng mga bagong Juan ang mabagal pa ring usad ng kaunlaran; butas-butas na pagkagawa ng maraming batas; ang sala-salabat na pulitikahan at katiwalian; at ang paglawak ng agwat ng mayaman at mahirap.
Sa tulong ng media, madali nang mahusgahan ang ating mga lider sa iba't ibang isyu. Ang yumaong Pangulong Cory Aquino, makailang-beses hindi tinantanan sa usapin ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at Hacienda Luisita.
Ilang ulit ding naumay ang marami sa umano'y kultura ng pakikialam ng Simbahang Katolika sa mga polisiya ng gobyerno... iyan ay bunsod ng impluwensiya naman noon ng yumao na ring si Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Ang kilalang tandem na noo'y bumaligtad kay Marcos- sina dating Pangulong Fidel Ramos at ang ngayo'y senador pa na si Juan Ponce Enrile... kapwa ilang beses nasangkot naman sa anomalya at korapsyon... PEA-AMARI Scam, Purchased Power Adjustment (PPA) controversy at Pork Barrel Scam.
Marami pang gaya nila na nananatili at nagsisilbi pa rin sa ating bansa, 30 taon makalipas ang People Power.
Lumalayo ang kalooban ng maraming Pinoy sa kanila. Panandalian namang papalitan iyon ng pagbibigay-pugay sa tuwing gugunitain lamang ang EDSA o ang Martial Law.
At nagpapalalim sa sitwasyon ay ang kultura natin na wala talaga tayong pagpapahalaga sa kasaysayan. Bihira nga tayong pumasyal sa museum at magsunog ng kilay sa mga public library.
Sino ang may pagkukulang?
Ang mga lider din noon na nagmamalaking kaisa raw sila sa pagsusulong ng demokrasya... ilan kaya sa kanila ang nagtulak ng simpleng pagdaragdag ng silid-aralan, aklatan at rehabilitasyon sa mga historical site sa bansa sa mga sumunod na taon matapos maibalik ang kaayusan. Lahat sila, kuntento nang sabihin sa atin na walang budget.
Pero inuuna nila ang paglalaan ng espasyo para sa naglalakihang mall at condo.
Ang maraming proyekto ng gobyerno, kinukurakot.
Ang serbisyo sa bayan, bulok.
Tuwing eleksyon kaliwa't kanan ang pangako ng pabahay pero matatapos na ang termino... walang naitayong ni isa.
Ang tulay na pangako para sa mabilis na daan tungo sa progreso ng bayan, hayun pala, sinadyang mali ang pagtatayo at hindi naman pala pakikinabangan... overpriced pa!
Masisisi rin natin ang sarili. Ayaw kasi nating magpa-disiplina. Simpleng batas-trapiko, pagtitinda sa bawal na lugar at ang huwag magkalat sa kalsada ay sinusuway natin.
Pinalalala rin natin ang korapsyon. Mahilig tayong magbigay ng lagay at humingi ng pabor o padrino. Sisingit sa pila. Magpapasingit sa pila.
Ang mga inaakusahang mali ang nabasa nilang pahina ng kasaysayan tungkol sa EDSA, naturuan nga ba nang maayos ng mga nagmamalaking pro-democracy/ pro-EDSA?
Magtataka ba kayo kung bakit popular si dating Pangulong Joseph Estrada? Iyan ay dahil dumating ang panahon sa kasaysayan na nagsawa na nga ang masa sa mga buwaya at ipokritong lider.
Nakita na rin ng ilan na tila tatalab para sa pagbabago ng bansa kung may iluluklok na "disciplinarian"... at hindi yung panay oo lang sa iba't ibang maimpluwensyang grupo gaya ng simbahan at kapitalista.
Kung kailan unti-unting nakita ng marami na nakakasuya na ang pare-parehong mukha ng mga pulitiko... gusto na ng kabataan ang mga mamumuno ay may kamay na bakal. Hindi na titignan ang educational attainment kundi ang "political will."
At ngayong nagbabalik ang mga kadugo at kaibigan ng Pamilya Marcos, ang mga pro-EDSA ay nababahala...
nasaan na raw ang ating pagpapahalaga...
Kung sila-silang nagtaguyod noon ng demokrasya at nagpabagsak sa diktadurya ay nagsasakmalan para sa kredito, kasikatan at sa kaban ng bayan... ano nga ba ang pinagkaiba ninyo sa dating diktador?
Oo, palibhasa malaya na kaming nagsasalita... at dapat iyon daw ay ipagpasalamat sa mga bayani ng EDSA.
Utang na loob ba iyon?
Hanggang kailan at kanino babayaran?
Sinayang ng pro-EDSA leaders ang diwa ng kanilang ipinaglaban. Sila ang nakalimot. Sila ang nagkulang. Huwag nyong sisihin ang bagong henerasyon. Huwag nyo silang sermunan. Hindi nila kasalanan kung madalas nang ikumpara ang noon at ngayon.
Ang "millennials" ay matagal na rin namang nagsisikap aralin ang inukit nyong kasaysayan. Ipinagmamalaki naman nila iyon.
Nanghihinayang na nga lang sila sa pagpapatakbo nyo sa ating lipunan... kaya sila ngayon ang susubok na baguhin ito.
Alam nating hindi madaling magtiwala.
Sila naman ang magtatakda ng kasaysayan.
Sila naman ang mag-aaklas tungo sa pagbabago, katwiran, pagkapantay-pantay, demokrasya at kaunlaran... maski wala sa lansangan ng EDSA.
Wednesday, February 24, 2016
EDSA 30
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment