Thursday, October 9, 2014

REVIEW: MY DESTINY


Malapit nang matapos ang GMA teledrama "My Destiny" na pinagbibidahan nina Tom Rodriguez (Matthew) at Carla Abellana (Grace).

Bagaman hindi ko 100% itong nasusubaybayan, nakukuha ko naman ang mensahe ng kwento. 

Itinadhana raw sa isa't isa sina Matthew at Grace. Hanggang sa ma-meet din ni Joy (played by Rhian Ramos) si Matthew noong siya'y nagpapagamot sa ospital dahil sa malalang sakit. Si Matthew ang nag-alaga sa kanya. Kapatid ni Grace si Joy. 

Nakikita nina Grace at maski ng mga magulang nila ni Joy ang mabilis na paggaling ng kapatid sa tulong ni Matthew... kaya naisipan nilang hayaang magka-"ibigan" ang dalawa, sa consent na rin ng lalaki.

Sa huli, nabuko ito. Nagalit si Joy. Si Grace, napilitang kumalas kay Matthew at magtrabaho muna abroad. Nalugmok sa emotional crisis ang kanilang pamilya at maging si Matthew.

Screenshots from www.gmanetwork.com

Unti-unti nga lang akong nadi-disappoint sa pagkawala ng dignidad ng main characters na sina Matthew at Grace. Tila nawawala ang moral values nila na dapat sana ay napapanatili sa kuwento bilang inspirasyon sa mga manonood.

Si Matthew, nagawa pa muling makipagmabutihan kay Joy, sa kabila ng gulo at pagka-broken hearted mula kay Grace. Sa pagkakakilala ng viewers kay Matthew mula sa umpisa ng teledrama, makatwiran nga bang bigyan siya ngayon ng image na "nanunuhog ng magkapatid"? 

Naghahabol na rin si Matthew sa responsibilidad sa kanyang anak kay Grace. Subalit, makatwiran bang muling buhayin ang paghahabol niya sa babae kahit kasal na ito?!

Si Grace naman, pumayag makasal sa isa pang character na si Jacob (played by Sid Lucero) na kusang nag-ako ng responsibilidad sa pinagbubuntis nito kahit di siya ang ama. Tinanong na rin noon ni Jacob ang babae tungkol sa damdamin nito kay Matthew pero hindi naging tapat si Grace sa kanyang sagot. Lumalabas ang imahe ngayon ng bidang babae na "gold digger" o kaya'y "user" at naghanap ng lalaking panakip-butas niya at sasalo sa kahihiyan niya raw. Ngayon ay iniisip nang makipaghiwalay kay Jacob nang walang kaabug-abog para lang makasama ang "ex-boyfriend". Makatwiran din ba ang ibinibigay ngayon na imahe kay Grace gayong iba rin ang pagkakahubog sa kanyang character sa simula ng palabas? Sabagay, yung mga taong akala mo hindi makabasag-pinggan ay nasa loob pala ang kulo?!


Sa natitirang episodes ng teledrama, nagiging kontrabida pa tuloy si Jacob. Siya raw ngayon ang hindi marunong magparaya para sa dalawang taong panay sarili lang ang inisip at "my destiny" ang drama sa buhay.

What makes this show unique... hindi pala lahat ng bida ay 100% mabait at dapat tularan. Mag-iisip ka tuloy kung paano ito tatapusin ng producers/ writers. Nakakatuwa at nakakainis ang twist ng kuwento. 

Kung gagawa ako ng mala-fan fiction finale episode, tatanggapin na nina Grace at Matthew ang katotohanang hindi sila ang "destined" sa isa't isa. Tuloy ang pag-ako ni Matthew sa sustento sa kanilang anak. Si Jacob, matututunan niyang patawarin ang dalawa; tuluyang pakakasalan si Grace sa simbahan at magsisilbi pa ring parang tunay na ama sa anak ni Grace. Si Joy, mapapatawad muli si Grace at makahahanap din paglaon ng sariling kabiyak.


No comments: