Tuesday, August 19, 2014
HIPON SCANDAL
Persona non grata,
Ito ang parusang ipinataw ng konseho (city council) ng Davao City laban sa komedyante at internet sensation na si Ramon Bautista kasunod ng tinaguriang "Hipon Joke" nang dumalo siya sa Kadayawan Festival sa nasabing lungsod nitong weekend. "Banned" na si Bautista roon.
Mabilis ang pagkilos ng local officials dahil na rin sa apela ni dating city mayor Sara Duterte.
"Andaming hipon dito sa Davao, alright!" ito ang kontrobersyal na biro ni Bautista sa harap ng mga Dabawenyo. Kung pagbabasehan ang kumalat na Youtube video sa insidente, marami namang nakisakay sa biro ng komedyante- karamihan lalaki.
Sa hiwalay pang video, makikitang agad nagpaumahin si Bautista ilang sandali matapos ang kanyang pagbibiro, na ayon sa ilang report ay alinsunod na rin sa utos ng isang Duterte na nakasaksi rin mismo at hindi rin nagustuhan ang ginawa umano ng komedyante.
Muling inulit ni Bautista sa kanyang Twitter account ang kanyang pagso-sorry.
Hipon ang tawag/biro/kantiyaw sa isang taong may magandang pangangatawan pero pangit ang mukha.
May ilang nagsasabing ang Hipon Joke ni Bautista ay patungkol daw sa mga babae sa Davao; kaya naman nagalit ang dating alkalde na si Sara Duterte. Walang malinaw na ebidensya ukol dito lalo't walang ganitong espesipikong sinabi ang komedyante- kung pagbabasehan ang kumalat na YouTube video niya, maliban na lang na ang naririnig na ingay mula sa mga nakisakay sa joke ay puro lalaki.
Sa mga naging apology ni Bautista, hindi niya idinetalye kung ano ang ibig niyang pakahulugan sa pagbibiro tungkol sa hipon.
Ang kasalukuyang mayor na si Rodrigo Duterte, tinanggap na umano ang paumanhin ng komedyante. Iyon nga lang, ang konseho naman ang nagpursige ng pagdedeklara kay Bautista bilang persona non grata. Maluwag na raw itong tatanggapin ng huli.
Marami bang panindang hipon sa Davao na posibleng dahilan ng biro ni Bautista?
Pero hindi Davao kundi Negros Occidental ang itinuturing na shrimp farming capital sa ating bansa. Noong 2012, mayroong 600 ektarya ng prawn farms sa nasabing probinsya, base sa isang artikulo ng Sun Star Bacolod.
Magagalit ka ba kung tatawagin kang hipon?
Mahirap sagutin iyan hehe. Sa Hipon Joke ni Bautista, tila masasabing nangibabaw ang mga game na Dabawenyo. Maaari nga bang sabihin na naging balat-sibuyas lang ang ilan kabilang ang mga Duterte? Ako? Mababa man ang self-esteem ko ay napagkakatuwaan ko ring i-tag ang sarili na isang hipon. Okay lang... kasi kahit itapon ang ulo ng hipon, hindi pa rin maitatanggi na natuwa at nakinabang ka sa katawan nito, di ba? Maghahanap ka pa nga eh hahaha
On a serious note, sana maunawaan natin kung ang isang tao ay magkaroon ng kakaibang determinasyon para i-improve ang kanyang panlabas na kaanyuan, sa kabila ng di-kagandahan niyang mukha. Kung ang magandang katawan ay sadyang asset niya, sana ay huwag nating pulaan pa pero huwag nating kainggitan.
Ang hipon joke minsan kasi ay may balot ng malisya dahil sinasabing nagpo-provoke ito ng uri ng sexual harassment. Nagiging ugat din ito ng panlalait sa ilang rape victims na kesyo raw bakit siya paniniwalaang biktima kung hindi naman siya kagandahan.
Naniniwala akong below-the-belt ang hipon joke ni Bautista sa harap ng mga Dabawenyo. Kung ikaw nga naman ay bisita (naimbitahan man o hindi), saan ka nga ba humugot ng lakas ng loob para magbitaw ng ganung biro sa maraming taga-roon na hindi mo kakilala at bilang lang sa iyong daliri ang kilala ka at puwedeng makaintindi sa iyo?
Sa bahay ba ng nililigawan mong babae, kaya mo bang magbitaw ng salitang "lechon pala mga kapatid mo, buti di ka nagmana hehe" ?
Masisisi ba ang Davao City officials sa pagdedeklara nila kay Ramon Bautista na ituring na masamang ehemplo? Hindi, sila naman kasi ang may-ari ng bahay na nabisita ng komedyante. Nasaktan ang kalooban ng mga iyan. Ipagdasal nyo na lamang na mapapatawad din nila ang bisita. Idol mo man sa kabaitan si Bautista pero syempre iba ang norms sa pinuntahan niyang lugar.
Ang aral na nakuha ngayon ni Ramon Bautista, sana mapagtanto rin ng marami sa atin... may tamang oras, lugar at mga taong dapat makarinig ng birong bibitawan. Gayunman, ang Hipon Joke ay hindi dapat maging habambuhay na panampal sa komedyante at maging basehan ng panghuhusga. Tulungan natin siya ngayon na maisa-puso ang napulot na aral mula sa binisita niyang kapistahan at maka-recover sa kahihiyang ito. Hindi naman masamang tao si Bautista. Nagkamali lang siya isang araw.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment