Monday, November 19, 2012

#AMALAYER



 Sinungaling ako kapag itinanggi kong hindi ako nainis sa tinaguriang AMALAYER Girl, ang nanigaw ng lady security guard sa LRT Santolan station kamakailan.

Ayon sa estudyanteng ito na si Paula Jamie Salvosa, uminit lang talaga ang kanyang ulo sa uri ng pagharang/pagpigil sa kanya ng sekyu na si Sharon Mae Casinas.


Sa iba't ibang media interview kay Paula, handa naman daw siyang makipag-ayos sa nakainitang lady guard. Labis nga lang daw siyang naapektuhan sa cyberbullying na nakuha niya-- hindi raw iyon makatwiran.

Bagaman nabanggit ni Paula ang posibleng pagsasampa niya ng kaso laban sa nag-upload ng video na nauwi nga sa pagkakakilala sa kanya ng buong mundo... wala na akong balita tungkol dito.

MY TAKE. I'M NOT LYING...
Lahat tayo, nakakasaksi ng ganoong tagpo... mga pasahero (maski tayo) ay minsan nang nainip, napundi, nabuwisit at nagmura kundi man pasigaw ay usal na lamang sa sarili... dahil sa haba ng pila ng security inspection sa LRT o MRT man, mall at iba pa.

Katwiran natin, "Alam ba ng mga guwardiyang iyan ang hinahanap nila? Hindi di ba?"

Pero sa huli, na-realized ko na hindi dapat ganun ang ating asal, porke nile-label na natin na bobo o walang alam sa bomba ang sekyu ay hindi na tayo makikipagtulungan sa kanila. At least, ginawa natin ang ating parte para matiyak ang kaligtasan natin sa pampublikong transportasyon.

Ayon sa LRT management, nakalimutan marahil ni Paula na idaan ang kanyang bag sa xray inspection. Nagreklamo si Paula na hinawakan siya ng sekyu, pangit daw na trato iyon sa kanya, lalo't tinanong pa raw siya ng guard na "Miss, anong problema mo?"

Paliwanag naman ni Casinas (guard) ay ipinaalala lang nila ang security measures sa LRT. Pero sadyang nagtaas na agad ng boses ang estudyante.

Pero sumagot din naman agad si Paula ng "You are my problem!"

Ibig sabihin, simula pa lang na nilampasan niya ang xray inspection ay batid niyang pwede siyang sitahin ng guard. At dahil doon, inihanda na niya ang sarili para sa ganung klaseng komprontasyon. 

Mukhang mainit na talaga ang ulo ni Paula bago pa man siya pumasok sa LRT station.

Kahit sino man, alam nating otomatikong haharangin tayo ng guard kapag nag-bypass tayo sa kanila. Kung nahawakan ka man sa braso mo, posible naman talagang mangyari iyon dahil sa aktong nagmamadali ka ngang pumasok sa premises nila na di dumaan sa security. 

Instinct na iyon ng sekyu dahil trabaho niya iyon. Harangin man tayo o hilahin sa braso, nag-iisa man siya o dalawa pa sila. Wala tayong karapatang magreklamo lalo't alam nilang nilagpasan mo ang security nila. Hindi ka naman siguro minura. Pero normal lang din na magtaas ng boses ang isang guwardiya na nautakan mo sa inspeksyon. Sinasadya mo man iyon o hindi, wala sa guwardiya ang burden para magpaliwanag kundi nasa iyo Paula.

Pansin ko, maraming gaya ni Paula, mostly girls, sakit nila ang pag-iinarte at pagmamadali na makalusot sa security inspection lalo na yung bag nila. Bihira sa mga lalaki ang hindi nagbababa ng bag para makalkal ng sekyu... pero kapag babae, marami ang yakap-yakap ang bag at hirap naman ang guwardiya sa pagsilip sa kanilang bag. At yung tipo pang umuusad nang papasok sa terminal ang babae habang ang shoulder bag niya, tinitiyagang mapasukan ng gwardiya ng kanyang stick o ng gadget.

Bagong salta lang ba si Paula sa LRT station para makalimutan ang xray inspection, at ganun na lang kainit ang ulo niya? 

Balita ko nga, hindi na siya hinold ng LRT dahil sa 'breach of security' na kanyang ginawa... eh, kung sa ibang bansa niya gawin iyon-- mas matatapang ang mga sekyu, siya na ang wala sa tama, sa umpisa pa lang!

Kumpleto man o hindi ang youtube video na kuha ng panggagalaiti ni Paula, halata namang nais kumuha ng atensyon ng estudyante sa kanyang panghihiya kay Casinas.. sa ilang beses niyang pagmuwestra at paglinga sa paligid habang pinagagalitan ang sekyu. Malinaw sa kapiranggot na video-- lumabis si Paula.

Nanalo man siya sa pagkuha ng atensyon sa iba pang mga pasahero sa LRT, nanalo naman si Casinas sa pagkuha ng atensyon ng buong mundo.

Walang duda, nakuyog si Paula. Cyberbullying. Ayaw rin nating maranasan ito at gawin ito sa kapwa.
Tanong ni Paula, sapat ba ang parusang iyon para pagdusahan niya ang ginawa niya kay Casinas?

Ang pagnanakaw ng singsing at pagnanakaw ng manok... parehong pagnanakaw pero naiiba na lamang sa perspektibo ng nabiktima at nagpapataw ng batas at parusa.

Kung tutuusin nga, ang gaya ni Casinas, walang oras at pera para mag-abalang magsampa ng reklamo at i-redeem ang sarili kahit paano lalo sa mga nakakita mismo ng insidente nung panahong iyon.

Pero si Paula, pwedeng mamili kung sasakay pa siya sa LRT Santolan station o hindi... pwedeng lumipat ng eskwelahan. Pwede rin namang makalimutan natin siya sa mga susunod na taon.

Pero si Casinas, posible pa ring mabiktima ng mga mainitin ang ulo, walang kooperasyon sa mga kinauukulan.. hindi man sing-tindi ng naranasan niya kay Paula....

dahil ang trabaho ng security guard, dito sa Pilipinas, marami pa rin ang hindi nakakaunawa.

No comments: