12 years daw noon si Jose nang ipadala ng kanyang ina sa lolo at lola niya sa Silicon Valley. 16 years old siya nang madiskubreng peke pala ang mga dokumentong ginamit sa kanyang pananatili roon.
Mukhang maaga pa nga lang, alam na ni Jose na mas gusto na niya sa Amerika, kaya nagsikap siya para maitago ang kanyang lihim-- nagtrabaho siya, gumamit ng mga pekeng papeles. Inaral niya mabuti ang katangian ng mga Amerikano gaya ng 'accent'-- para di nga siya mapagdudahan.
Nagbunga ang lahat nang iyon, sobra-sobra pa nga... nakita niya ang tagumpay sa pagpasok sa media at umani na siya ng prestihiyosong pagkilala.
Subalit heto, humaharap siya at umaaming isa siyang 'pekeng Kano' pero nais niya pa rin ang maging totoong Kano. Naniniwala siya na isa siyang Kano.
Jose gains support lalo't hayagan na rin niyang kinakampanya ang DREAM Act sa U.S. na layuning gawing 'legal' ang milyun-milyong illegal alien minors doon.
Matapang si Jose, walang duda, nasa tugatog na nga siya ng tagumpay kung tutuusin... sabagay, sino ba naman ang gustong araw-araw ay binabagabag ka ng konsensya? Nasa media pa naman siyang naturingan pero masasabing hindi siya magandang halimbawa.
Hindi ko masisisi si Jose... sa estado ng buhay sa Pilipinas- hindi ako magtataka kung bakit may ilan talaga tayong kababayan ang ayaw nang bumalik o lumingon dito sa atin.
Pero kung inaakala niya na ang kanyang paglantad at pag-amin ay magiging exemption para di siya ipatapon pabalik sa bansa... hindi maaari iyon.
Hindi yata makatarungan para sa halos 2.6 million iba pang Pinoy na dumaan din sa butas ng karayom at sumunod sa batas ng US para lang maging legal doon.
Sa datos ng Commission on Overseas Filipinos noong 2009, tinatayang 155,843 Pinoy irregulars o undocumented sa Amerika.
Mas matatawag kong matapang si Jose kung sinabi niyang handa siyang harapin ang anumang desisyon ng US authorities kasunod ng pag-aming 'illegal alien' siya- kahit na ang mai-deport pabalik sa bansa.
Sa interview, sinabi ni Jose na nararapat isulong ang DREAM Act para mabigyang-dignidad naman ang alien minors o maski pa ang kabuuang 11 million na illegal immigrants sa US.
Hindi ako naniniwala.
Wala sa isang bansa o sa lipunan ang hinahanap nilang dignidad... kundi nasa sarili nyo rin. Tanggapin ang pagkatao at iyon ang magbibigay-laya sa iyo sa anumang alalahanin.
Mas pinili lang talaga ng mga gaya ni Jose ang makilala siyang Amerikano, kaya siya nalulugmok ngayon sa krisis.
Sabi nga ni Jessica Soho sa kanyang programa- State of the Nation- malaking problema talaga ng mga Pinoy ang pagkakaroon ng mababang pagtingin sa mismong lahi natin. Lagi na lang ang mga banyaga ang para sa atin ay mas maganda, mas angat, at mas magaling.
Hindi ko nililibak si Jose pero nalulungkot ako na may eksakto na tayong mukhang ipakikita bilang buhay na halimbawa na si Juan ay ayaw nang mabansagang Pilipino pa.
Ang ibang gaya niya, matutuwa lang muli marahil sa Pilipinas, kapag nakakuha rin sila ng atensyon, pagkilala at pagtangi mula sa mga naririto sa Pilipinas. Bonus na kung kikita rin sila sa pagbisita rito. Iyong tipo bang pagpipiyestahan din sila ng local media natin. Ganoon kasi tayong mga Pinoy, kelangang sikat ka muna sa ibang bansa bago ka nila kilalanin at hangaan.
May pagkukulang din tayo.
At oo, nalulungkot din ako na kelangan pa palang gumawa ang isang tao ng bagay para bigyang-katwiran lang ang mga mali niya, imbes na harapin ang pananagutan o ang mga kaakibat na parusa... sabagay, para nga naman, mapanatili niya ang anumang kanyang tinatamasa ngayon.
The paradox of courage is that a man must be a little careless of his life even in order to keep it. --G. K. Chesterton
No comments:
Post a Comment