Wednesday, June 15, 2011

KAUNTING INSPIRASYON PARA SA MGA NAG-AARAL, GUSTONG MAG-ARAL, NAGPAPA-ARAL, AT SA MGA TINATAMAD MAG-ARAL

Naka-delihensya na ako hehe.... pandagdag sa mga librong kailangan ng aking bunsong kapatid sa grade school ngayong darating na pasukan. Malaki pa ang kulang pero sige, pagsisikapan.

Sa panahong ito, usapang pera na ang laging nauusal ng ating mga magulang o nakatatanda. Silang gagapang para sa pagpapatuloy ng edukasyon ng mga bata, hahamakin na ang lahat... hihiram ng pera sa 5-6 at ire-recycle ang mga pinaglumaang gamit-eskwela ng iyong kapatid, kamag-anak, o malapit na kaibigan.

Kaya, pagpasensyahan na natin kung madalas ay mainit na ang ulo nila at baka pa nga- bigla ka nilang masigawan ng  "hindi ka na mag-aaral!"


Tama, hindi hadlang ang kahirapan sa pag-aaral... pero sa mata iyon ng mga nakakadiskarte!

Eh paano ang mga walang-wala... yung maski ang paglapit sa media, simbahan, o charity institution ay hindi sasagi sa kanilang isipan dahil hindi naman ganung katalino sila o yung kanilang anak... paano yung mataas ang pride... eh, yung ubod ng hiya at nawalan na ng pag-asa at pakialam sa lipunan?

Foto credit: snapshots from gmanews online

Tama, hindi hadlang ang kahirapan sa pag-aaral... gamitin daw natin ang kasabihang ito para makapagbigay pa ng pag-asa sa maraming napagkakaitan ng pagkakataon, pero hanggang saan? hanggang salita?

Mapalad ako, kumikita... bagaman kinakapos pero pinagkakasya at naghahanap pa ng delihensya.

Ang dilemma ng isang breadwinner na gaya ko ay ang tunggalian para sa hiwalay na pangangailangan ng sarili at ng sinusuportahang pamilya.

Nakakahapo ng katawan at ng kalooban.

Pero syempre, hindi tayo manunumbat dahil sa kinakalkal na pera... hindi lang talaga maiwasang mapasigaw minsan "kelan ba matatapos ito?"

Walong taon na akong nagtatrabaho, wala pa akong matatawag na bakasyon maliban sa nakalipas na anim na taon na tulog-kain-nood TV ang aking inatupag tuwing Holy Thursday at Black Friday.

Swerte nga rin marahil na 'di pa ako nagkasakit nang malala (yung tipong papasakan na ng suero)-- sa kabila ng nipis ng katawan ko. Subalit napaisip din ako, kaya ba hindi ako pinapayagang magkasakit dahil tadhana ko na talaga ang magkayod-kalabaw?

Buntong-hininga.

Ayoko nang mag-isip na ikasasama lang ulit ng loob ko.... pero ang konsuelo para sa lahat nang ito ay ang kahit mumunting salita ng pagkilala at pasasalamat. Eh, sobra-sobra pa ang kasiyahan ko kung ang mga itinataguyod mo ay nakikitang nalalagay sa tama at maayos na estado, gaya ng nado-drawing mong magandang buhay para sa kanya.

Ito naman ang apela sa mga napagbibigyan ng tulong, kung di ka naniniwala sa 'utang na loob' at 'obligasyon... tumugon ka na lang sa pagiging makatao.

Kung hirap ka talagang mag-aral dahil mas gusto mo ang pakikibarkada... mabait ka pa rin naman kung ipagtatapat mo iyan at wag nang humingi ng pantustos sa bisyo.

Kung may kakulangan ka sa pag-aaral, ipagtapat at baka mas matulungan ka nila.

Pasukan na.
Magbubuno ulit ako ng maraming trabaho para makapag-aral ka.

Siyanga pala, para sa isa kong kapatid... salamat din sa magagandang salita. Yung pangako mo, pessimist man ako pero matutuwa pa rin si Kuya kung mapanghahawakan mo iyon.

Nakita ko kasi muli ang sinubmit niyang 'profile' ko sa isang school project at isa iyon sa 10 napili para itampok sa isang schoolwide event. Tandang-tanda ko pa, napaiyak ka pa habang pinabasa sa iyo ang ginawa mong sulat. Na-touch ako at maski silang daan-daang nanood.

"si kuya... ang dahilan kung bakit kailangan kong magtapos ng pag-aaral.... binigyan niya ako ng pangalawang pagkakataon... maraming salamat sa iyo at huwag kang mag-alala magtatapos ako tulad ng pangarap mo sa akin."

Nakakapagod ang magpa-aral pero 'rewarding' kung inyong pahihintulutan.

Totoong sakit man ang idinadaing sa sariling katawan... huwag nyo pa ring ipagkamali na wala na akong malasakit sa inyo. Zero lovelife man ako pero andyan pa rin naman kayong mga loved one ko.

No comments: