Thursday, June 18, 2009

ANG TURO SA BAHAY

Sa isang mahirap na bansa gaya ng Pilipinas, hindi kataka-taka kung bakit sa bawat pamilya ay napakaganda at napakahalaga ng tinatawag nating 'edukasyon.'

Ang edukasyon nga raw kasi ang susi sa pag-unlad ng personal na estado, ng pamilya, ng lipunan, ng buong bayan.

Ang diploma ang magtatanggal ng maraming alalahanin sa hinaharap.

++++

Bata pa lang si August, isinabak na siya nina Mama at Papa sa preschool. Marami umano silang nakikita na katangi-tangi sa anak. Madali na raw itong makakilala ng watawat ng iba't ibang bansa, madaldal -kesyo senyales daw iyon ng talino ng bata, et cetera... et cetera.

Tanging hangad nila, kagalingan at magandang kinabukasan ng anak. Wala nang sasarap pa ang makita mo nga naman ang iyong chikiting na isang honor student.

Hindi sa eskwelahan, kundi sa bahay unang natututunan ang A-B-C... 1-2-3, different shapes, at iba't ibang colors.

May ipinamumulat na rin sa malalim na paliwanag kaugnay ng halaga ng pag-aaral, medalya... diploma.

Ang nakalulungkot lang na katotohanan, na tila lingid sa maraming nanay at tatay, ay hindi alam kung hanggang saan ang limitasyon ng kanilang musmos.

++++


Minsan may maling impresyon sa pagtataguyod ng edukasyon sa mga bata.

Napagkakamalian ito ng ilan bilang kakabit ng pagpapamulat na rin sa bata ng lahat ng obligasyon nito sa hinaharap lalo na sa kanilang pamilya.

Kailangan maganda ang grades mo sa card... hamak dapat na mas mataas daw kesa sa kaklase mo na anak ng inyong kapitbahay.

Dapat may maiuwi kang ribbon, medal, trophy, certificate, at/o citation... kung kaya pa, hamak dapat na mas marami kesa sa kaklase mo na anak ni kumare at ni kumpare.

Bawal lumabas ng bahay. Eskwela-bahay lang... bahay-eskwela lang. Kung nasa bahay, mag-aral-- matulog nang maaga... may pasok ka kasi bukas.

Kung maglalaro, bawal ang papawis-- bawal lumayo-- baka magkasakit... magagalit si teacher.

Ang lahat nang ito kapag nilabag ng bata-- may katapat na pagdidisiplina.

Ang palo ay ang tinatawag minsan na 'disiplina.'

Iba-iba ang parusa sa batang 'di nag-aaral.

May pinaluluhod sa isang bilao ng asin o munggo habang nakadipa ang mga braso at may patong doon na mga libro.
May ilan, hinahabol ang bata ng walis, patpat, tsinelas... ang masahol... bakal ng sinturon at dos-por-dos!
May simpleng nangungurot... ang masahol, ang masampal, mabugbog, sakalin, ibitin nang patiwarik, at iuntog ang ulo sa sahig o pader.

Dito sa Pilipinas, ang pamamalo ay tila tanggap na bilang bahagi ng pagtuturo sa bata.

++++

Pero nagbago na ang panahon at natutunan ng ilan na may pangit sa pamamalo o 'di tamang pagdidisiplina sa bata.

Ang pagbato nga lang ng eraser ng teacher sa estudyante, pwede nang isumbong at maging mitsa ng pagsuspinde sa guro.

Pero obserbasyon naman ng iba, tila mas nagiging bastos naman daw at pabaya sa pag-aaral ang kabataan ngayon.

Usal nila tuloy, 'mas mainam pa rin pala ang pamamalo.'


+++

Uso pa rin naman ang 'pamamalo.'

Naging laman ngayon ng mga balita ang pagkasawi ng isang 7-anyos na bata sa Cavite makaraang mamatay dahil sa mga tinamong pasa at bugbog mula sa amang 'di nakatiis umano sa hirap niya sa pagtuturo rito ng abakada.


For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Abot-langit ang pagsisisi, pagtangis, at paghingi ng tawad ng ama sa yumaong anak... ayaw lang daw niya na magaya ang bata sa kanya na walang pinag-aralan.

Sumuko si tatay sa mga otoridad.

+++

Hindi ito ang unang kaso.

May kaso naman kung saan nagpapatiwakal ang musmos dahil sa palagay niya'y hindi niya nagagampanan ang papel sa pamilya.


Kung mayroon mang natutong tanggapin ang katotohanan ng 'palo' ng magulang... dalawa lang ang kinauuwian daw nila; ang mabuhay na nagre-rebelde sa magulang o ang lumaking may naiiba nang pananaw tungkol sa pera.


+++++
Ang swerte ng alinmang pamilya na magkaroon ng batang walang sama ng loob dahil sa palo mo... at sa halip, tinaratong maganda ang bunga o ibubunga ng pagdidisiplina sa kanya.

Nakaka-touch at 'di matatawaran naman talaga ang pagsisikap ng mga magulang na igapang ang kanilang anak sa pag-aaral. Ang kanilang malaking sakripisyo, 'di nga natin makukwestyon.

Pero nasa earth tayo, hindi ako ikaw, hindi ikaw ako.

Ang interpretasyon/reaksyon ng isa ay hindi kailanman maaasahan sa iba. May sariling utak at puso ang bawat isa. Hindi ba't natatangi nga sa bawat indibiduwal ang DNA... wala itong kaparehas sa kapwa.

Alalay lang po sa pagdisiplina.

Sa halip kasi na maituro natin ang kabutihang-loob at kagandahang-asal sa isang bata, hindi kaya magbiro ang tadhana at tayong lahat ay mapariwara?

No comments: