Tuesday, June 16, 2009

FARM TOWN MANIA

May bagong kinahuhumalingan ang mga ka-Facebook ko... at ang keyword-- FARM TOWN!


+++
Halos lahat silang mga ka-opisina ko, mapa-babae, lalaki, ka-edad ko (20s) o maski na 40-50s, natutuwa sa kani-kanilang farm!

Virtual game application ito na ekslusibo sa social networking site na Facebook.

Walang gaanong detalye tungkol sa nag-develop ng Farm Town pero napakadaling intindihin ang mechanics o panuntunan sa paglalaro nito.

Mag-browse lamang sa applications ng iyong FB account, hanapin ang Farm Town sa kategoryang 'games.'

I-add ang Farm Town... at presto, otomatikong meron ka nang lupa o farm town na ide-develop. May bonus ka pa na 500 coins para panimula mong pondo at apat na Plowed Field na may mga punla na ng Potatoes!



PAGANDAHAN

Ang konsepto ng Farm Town-- pagandahan, palakihan ng inyong binubuong FARM!

Pero syempre, pinagpapaguran iyan at may pinawawalang pera.

Bonus na nga ang apat na libreng plowed field ng patatas-- hintayin mo na lang ang anihan.

Ang ibinigay sa iyo na 500 coins bilang panimulang pondo, pwedeng gamitin agad para makapagbungkal ng lupa (Plow)...
at para makapagtanim ng binhi, magtungo sa Store!

Samu't sari ang mga paninda roon... pinakamura ang mga binhi ng ubas (grapes) at pinakamabilis na itong makapagbibigay sa inyo ng ani, sa loob lang ng 4 na oras. Ang iba kasing binhi, aabutin ng ilang araw.

Sa oras ng anihan, may opsyon ka naman kung gusto mo agad itong ipagbili o iimbak muna ito sa iyong Storage.

Magpakasipag lang daw at gamitin ang talino... o diskarte man na matatawag at ang dating walang kabuhay-buhay mong bukirin--- sa isang iglap, bonggang-bongga nang hacienda!

Habang gumagaling ka sa pag-develop ng farm, lumalaki ang oportunidad mo na makabili ng mas mamahaling Seeds at maski na sariling puno, ornamental plants, at mga hayop!

Maaari ka ring makabili pag lumaon ng sariling bahay, kamalig, fence sa iyong farm, dagdag na lupa, at pati na ilog o irrigation!

At para extra-income, pwede ka ring magtrabaho bilang tagapag-ani o maski na, simpleng tagalinis lamang sa farm ng mga ka-Facebook mo (kung meron siyang Farm)(neighbors) at/o sa ibang naka-online na nasa ibang bansa!

Marahil matatawag ka na ngang CERTIFIED HACIENDERO/ HACIENDERA kung bukod sa napakalaki at napakaganda mong FARM TOWN ay malaki pa ang iyong (cash) Savings at marami kang imbak na ani sa iyong Storage!


Sa ngayon, base sa profile ng Farm Town, mayroon na umano itong 9,197,631 na active users kada buwan o mga aktibo o regular na naglalaro ng Farm Town sa loob ng isang buwan sa buong mundo!

Isa na rito si Roehl Jamon, professor sa U.P. Film Institute.
Libangang malupit ito para kay Roehl.

Karir kung karir... dahil triple-triple na ang laki ng kanyang hacienda! Halos kumpleto na ang kanyang farm town. Malayo na ang narating ng kanyang 'farming skills' kung saan umabot na siya sa level 29-- sapat para bansagan siya sa nasabing virtual game bilang Green Thumb, pagkilala sa kanyang husay sa pag-develop sa farm.

Mayroon pa siyang Savings na mahigit $433,138 sa mga oras na tinitipa ang artikulong ito.

Ang galing na naibibida ngayon ni Roehl, patunay din kaya na isa siyang potensyal na haciendero sa totoong buhay?


PATOK SA PINOY!

Hindi na bago ang ganitong mga virtual game na nagiging pansamantalang libangan ng isang henerasyon dito sa Pilipinas?

Nauna na ang pagka-uso noon ng brick games at tamagotchi.


at bakit nga ba marami ang nahuhumaling na mga Pinoy sa Farm Town?

Sa isang agrikultural na bansa gaya ng Pilipinas, hindi kataka-taka na sa mainstream media-- hindi pwede na hindi mo makikita sa isang araw ang isang kapaligiran ng bukirin.

Hindi rin mawawala sa eksena ang malalawak na hacienda ng mga ika nga ay 'panginoong may lupa.'

Aminin man o hindi, sino'ng Pinoy ang hindi nangarap na magkaroon ng hacienda o malawak na lupain o maski nga lang kapirasong lupa na pagtitirikan ng sarili mong bahay?

Mas ramdam mo ang linyang ito sa ating mga kababayang magsasaka na hanggang ngayo'y napagkakaitan ng sariling lupa kahit na sa totoo sila ang nagpapakain sa lahat ng mga Pilipino!

Ako nga, nag-umpisa nang magpalawak ng farm.

Hindi pa kagandahan pero pangako, kakaririn ko ito!



screen grab:
www.gmanews.tv

1 comment:

stanleyrj said...

hindi kaya marahil ay tayong mga tao ay "mula sa lupa, at babalik rin sa lupa", kung kaya't maski lingid sa ating gising na diwa ay mayroon tayong hindi maipaliwanag na pagnanasang maglaro, magtrabaho, at humalik sa lupa (kung hindi man sa totoong buhay, maging sa virtual na daigdig man lamang)?

nice site you have here wilson, keep it up!

roehl