Monday, December 17, 2007

Nakapagsusulat pa rin ako... matapos ang bangungot

Naranasan ko na minsan ang ma-bangungot pero marahil pinaka-'masamang bangungot' na ang naranasan ko Sabado ng hatinggabi.

Ugali ko kasi ang huling magpatay ng ilaw at i-tsek pati LPG sa kusina bago matulog.

Sa aking bangungot, ganoon ang unang mga eksena hanggang sa lumabas na ako ng kusina at patungo na sa salas. Madilim na syempre ang daan ko paglabas sa kusina. Walang anu-ano ay may kung anong 'anino' ang dumaan sa kaliwa ko. Hinaltak nito ang kaliwa kong braso.

Nagsimulang namanhid ang aking katawan... hindi ako makakilos. Pinilit kong galawin ang aking kanang kamay/braso para kumapit sa isang dibisyon ng bahay...pero malakas ang 'humahatak' sa kaliwang braso ko.

Hindi ko maipaliwanag ang mga nangyayari sa aking bangungot pero... unti-unti, nagkaroon na ako ng diwa na binabangungot na nga ako at humihingi na ng saklolo. Sumigaw ako... "na...."

Nagulat ako... walang lumalabas na boses sa akin. Lalo akong natakot, base sa aking bangungot. Mangiyak-ngiyak na ako...tila hirap sa kung sinuman o anuman ang humahatak sa kaliwang braso ko.

Pero sa isip-isip ko, pilit akong sumisigaw ng "nanay..." para makahingi ng tulong.

Pero alam ko... tila walang nakakarinig sa akin... Lalo akong natakot.

Pilit akong sumigaw para sa tulong.

Mula sa aking kinatatayuan ay tanaw ko ang tila ay pintuan sa aming kwarto [na sa aking pagkaka-alala ay kung saan apat sa amin ay natutulog habang ako ay binabangungot nga].

Wala pa ring nakaririnig sa sigaw ko... alam kong kailangan kong magising...sana may gumising na sa akin... sampalin nila agad ako kung maaari.

Ilang saglit, mula sa aming kwarto ay nakita kong may biglang lumabas. Hindi ko mamukhaan. Malaking lalake. Tila nagmamadali siya na puntahan ako. Sasagipin nya nga ako... walang anu-ano... nilamon na ng dilim ang buong senaryo.

"KLIK!"

Yumakap sa wakas ang liwanag. Ilaw sa aming kwarto... sa kwartong tinutulugan ko.
Natanaw ko ang aking kapatid, nakasilip mula sa pintuan. Siya pala ang nagbukas ng ilaw. Matamang tinignan nya ako. Si Nanay, nagising din.

Kinumpirma nila....binabangungot ako. Ako naman, nakita ko ang sarili na nasa ayos na tila yaong nasa loob ng kabaong. Ang mga kamay ko, nakapatong na sa aking dibdib. Dilat na dilat ang aking mga mata... larawan doon ay matinding takot at nangingilid na ang luha.

"Kuya, tagilid ka," sabi ng aking kapatid. Tumagilid daw ako ng higa. Makabubuti raw iyon para makalma ako.

Hindi ko pa muli ipinipikit ang aking mga mata nang biglang may marinig ako na pag-miyaw ng pusa. Pusang itim iyon tiyak ko. Ang pusa ng aming kapitbahay na madalas pumunta sa amin para makatiyempo ng pagkain.

Naalala ko, minsang binangungot ang isa pa naming kapatid, ilang linggo lang ang nakakaraan... ang naturang pusa ang nasa kanya raw bangungot. Paggising nya raw, nasa tabi nya ang pusa nakatingin... tila ito raw ang gumising sa kanya.

Hinihingal pa ako... kinilabutan. Alam din ng pusa ang aking bangungot.
Biglang-pumipikit ulit ang aking mga mata. Nilabanan ko muna... kahit ilang minuto lang... di ko sigurado, para kasing may karugtong ang bangungot, hinala ko.

Nagpalipas muna ako ng konting sandali bago bumalik sa pagtulog.

Kinaumagahan, saka napag-usapan naming pamilya ang nangyari sa akin.

Hinala nila, baka sa totoo lang ay kaluluwa ko raw yung aking nakita noong gabing iyon. Naglakbay daw sa aming kabahayan. Pero yun nga ay mayroong pumigil sa akin na bumalik sa aking katawan.

Pilit ko namang ini-ugnay ang mga pangyayari sa kondisyon ng aking pisikal na katawan nang gabing iyon.

Hindi pa kasi ako ganap na nakababawi mula sa pagod at puyat mula sa aming Christmas party Biyernes ng gabi. Masakit din ang aking ulo.

Anu't anuman, laking-pasalamat ko, nagising ako mula sa aking bangungot...may nasilayan pa rin akong umaga.

At kung hindi... hulaan nyo, sino ang nagsulat ng artikulong ito?

No comments: