Wednesday, December 31, 2014

ALL EYES ON THE BRIDE & GROOM: DONGYAN WEDDING

Ikinasal na sila-- sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Marangya ang okasyon na dinaluhan ng mga personalidad mula sa mundo ng showbiz at public service. Larawan daw ng tunay na pagmamahalan ayon sa mga tagahanga. Mala-fairy tale na kuwento para sa media.

May naaliw man, mayroon ding naasiwa o nasuya.


Screenshot: Instagram account of Dingdong Dantes


Ang ilang netizen, pinagkatuwaan ang "big news" na iyan kahapon mula sa mga witty at sarkastikong komento hanggang sa paggawa ng nakatatawang internet meme. 



Isa sa mga kumalat na internet meme kasunod ng marangyang kasalan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Source: Anonymous 


Thoughtless extravagance, hirit ng iba... para sa isang bansang mahirap gaya ng Pilipinas.

Tinalakay ito sa blog na getrealphilippines.com 
Tinukoy roon ang posibleng paglabag umano nina DongYan sa isang batas na nagbabawal sa anila'y thoughtless extravagance.

Alinsunod sa Article 25, Chapter 2 ng Philippine Civil Code...
Art. 25. Thoughtless extravagance in expenses for pleasure or display during a period of acute public want or emergency may be stopped by order of the courts at the instance of any government or private charitable institutions.

Nalabag nga ba ito ng DongYan Wedding o tinagurian ding "Kapuso Royal Wedding?"

Months or weeks naging bukambibig ang paghahanda sa kasal, walang naka-sense na maluho o "hindi magandang ehemplo" sa ordinaryong mamamayan-- walang nagtangkang pumigil. Wala mula sa media, NGO, gobyerno at maski sa isang pribadong grupo.

May pumigil ba na ipalabas dito sa bansa ang totoong Royal Wedding sa U.K. (Prince William & Princess Kate) ? Hindi ba't kahunghangan din ang kaaliwan iyon gayong wala namang hari at reyna sa Pilipinas? 

May pumigil ba sa pagpapalabas ng boxing match ni Manny Pacquiao at Timothy Bradley habang nananalanta ang flashflood sa Sarangani noong June 2012?

Labas sa usapan ng thoughtless extravagance...
eh, marami nga sa atin ay makailang-beses naaliw at namangha sa maluluhong wedding proposal at pre-nup videos?! Ano pa kaya sa isang kasalang sa mismong bakuran natin masasaksihan? kung saan tutungo ang groom sa simbahan sakay ng mamahaling motorsiklo? kung saan nakabihis ang bride ng P2M-worth na gown? kung saan ang bride at groom ay parang santo na babasbasan dahil sa dami ng pari at obispo na mangangasiwa sa sakramento? kung saan ang ninong mo sa kasal ay presidente ng bansa habang kilalang personalidad sa iba't ibang larangan ang iba pa at mga bisita?

Ang ilan namang Pinoy, kayang ipasara ang maraming eskinita sa kanilang barangay para sa sariling kasal kahit nga debut ng kanilang anak na nagdadalaga. Ubos-biyaya nga ang iba. Uutang pa at handang magluwal ng malaking halaga. Katuwiran natin, minsan lang naman itong mangyari, alang-alang sa pamilya. Kinabukasan, makikitang nagdidildil na ng asin ang mag-anak matapos ang enggrande nilang handaan. Sa kabila niyan, bihira ang may nagsisisi.

Tama na ang pagiging ipokrito.
Ang DongYan Wedding ay isa lang ordinaryong palabas sa TV na minsanang nagpakita sa atin ng karangyaan sa buhay... na nagbigay para sa iba ng kaunti o pansamantalang determinasyon o inspirasyon upang magsikap sa buhay.

Puwede rin namang kabaligtaran ito para sa ilan. Maaaring nagtanim pa ito sa kanila ng inggit at pagkaawa sa sarili.

Alin ka sa dalawa?
Maaliw at ma-inspire o mamatay sa inggit? 

Syempre, may exemption. Matapos manalasa ang Bagyong Yolanda at tumambad ang malawak nitong pinsala, marami sa atin ang mabilis na nagbigay-simpatiya. Ang mga kasado nang Christmas party ay kinansela. Ang iba, inilaan ang pondo para makabahagi sa relief operations.

Nasa kalagitnaan pa lang ng pananalasa ng Bagyong Seniang nang ikasal sina Dingdong at Marian. Huwag natin silang husgahan na manhid sa mga naghihirap sa kasalukuyan. 

Maski pa magkusa ang DongYan na magsagawa ng relief operations sa simbahan, hindi naman matatapos doon ang problema sa kahirapan.

Tapos na ang DongYan Wedding. Back to work na tayo.

No comments: