Viral ngayon at pinagtatampulan ng katatawanan at lait si Miss Philippines Earth Miss Zamboanga candidate Bellatrix Tan.
Mahigit 1.6M views na (as of posting time- 3:09pm, June 12) ang video kung saan siya tampok... na nagsimula sa Facebook na in-upload ni
Eddie Fernandez.
Ang eksena ay kakaibang question-and-answer portion ng Miss Philippine Earth Coronation Night kung saan magbibigay ng kanyang "best answer" ang kandidata sa hashtag na matotoka sa kanya.
Dahil MISS EARTH... ang mga tanong at sagot ay may kaugnayan sa pangangalaga sa kalikasan.
#ElNiñoLaNiña ang para kay Bellatrix.
Ang kanyang sagot....
"El Niño is what we are facing right now. If we do simple things like planting trees, we will not experience drought. So, if we start now (planting trees), we will achieve La Niña."
Kung hindi naguluhan, napagtawanan din at napulaan ang kandidata.
May isa pa nga raw na judge ang narinig na nagsabing "Nakakaloka" bilang reaksyon sa sagot ng binibini.
Magkahalo ang mga reaksyon ko- napailing, nalungkot, natawa at nainis.
Malamang, may mga kababayan din tayo na hindi na-gets kung ano ang mali sa sinabi ni Bellatrix... dahil hindi rin sapat ang kanilang nalalaman sa paksa.
Ito ang dapat nating malaman kasama ang dalaga...
(1) ang El Niño ay isang uri ng phenomenon ng abnormal na temperatura sa Pacific Ocean at ang epekto nito sa ating bansa ay TAGTUYOT. Walang makapipigil dito. Walang nakakaligtas sa tagtuyot maski puno...natutuyuan din ang mga ito. Hindi natin sinasabing huwag nang magtanim ng puno pero ang mali pa rin ang sagot ng kandidata na ang pagtatanim ng puno ay para raw makaiwas sa tagtuyot;
(2) ang La Niña ay phenomenon gaya ng El Niño pero kabaligtaran ang epekto sa ating bansa... imbes na kakulangan ay magiging SOBRA naman tayo sa ulan o dami ng bagyo.
Last month, naglabas ng La Niña Watch ang PAGASA. Ibig sabihin, binabantayan na umano maigi ng ahensya ang mataas na posibilidad na magkaroon ng La Niña sa kalahating bahagi ng taon; habang sa kabilang banda ay humihina na ang El Niño. Ilang TV at radio shows ang tumalakay at tumatalakay sa nasabing paksa.
Panoorin ang maiksing ulat ni GMA Resident Nathaniel 'Mang Tani' Cruz tungkol sa La Niña. I-click ito.
|
Screenshot from GMANewsOnline/ IMReady |
Halatang-halata sa kandidata ang kaba habang sumasagot. Mula rito, maiintindihan natin siya kahit paano.
Marahil, ang nais iparating ni Bellatrix sa atin ay kung tayo ay magtatanim ng puno, MAIIBSAN o MABABAWASAN ang pinsala sa atin ng tagtuyot. Sayang.
Pagdating naman sa sagot niya sa La Niña, mmm... mukhang wala talagang ideya ang binibini rito.
Natawa at nainis... dahil ang beauty pageant ay tungkol sa kalikasan... dahil parang pinatunayan ng insidente na puro press release, pa-showbiz, pa-photo-ops lang ang sinasabing "para sa kalikasan" na peg ng Miss Earth.
Seseryosohin pa kaya ng mga manonood ang mga kandidatang nakita at nakikita pa nating tumutulong kunwari sa paglilinis ng kalsada at pagtatanim ng puno... at minsa'y nariringgan natin ng mga payo at tips para makatulong daw tayo sa pangangalaga sa ating kalikasan?
Napailing at nalungkot ako dahil tila kulang pa ang aksyon natin para makaabot sa maraming Pinoy ang mahahalagang impormasyon tungkol sa weather and disaster-preparedness. Hindi lang mula sa parte ng gobyerno kundi bawat isa sa atin.
Marami pa tayong dapat pag-aralan; sa halip na pagtawanan pa ulitm
Sana, malampasan ni Bellatrix ang kabanatang ito. Kinabahan lang talaga siya.
Sana rin, pagkatapos nating mapagtawanan ang insidenteng ito ay maisabuhay rin natin ang aral na ating napulot dito.